DOLE naglaan ng P455-M sa Karding-hit regions

DOLE naglaan ng P455-M sa Karding-hit regions

October 2, 2022 @ 3:44 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inisyal na naglaan ng P455.6 milyon ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa patuloy na pagpapatupad ng emergency employment program nito sa Central Luzon at CALABARZON, na sinalanta ng bagyong Karding noong nakaraang linggo.

Sa pamamagitan ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), ang mga manggagawang impormal na sektor sa nasabing mga rehiyon ay nagtatrabaho ng hindi bababa sa 10 araw upang tumulong sa clearing, paglilinis, de-clogging ng canals, debris segregation, materials recovery, at iba pang aktibidad na kailangan sa rehabilitation kanilang komyunidad.

Nangako si Labor Secretary Bienvenio Laguesma ng patuloy na suporta sa mga manggagawang naapektuhan ng bagyo.

Tiniyak niya ang pagbibigay ng karagdagang pondo ng TUPAD kung hindi sapat ang paunang alokasyon at binigyang-diin ang pinahusay na pagpapatupad ng programa sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagsasanay sa kasanayan sa mga benepisyaryo.

Sinabi ni DOLE Central Luzon Regional Director Geraldine Panlilio na kabuuang P365 milyon ang inilaan para sa pagpapatupad ng programa sa pakikipagtulungan sa mga local government units at kani-kanilang Public Employment Service Office sa rehiyon.

Aniya, 14,000 benepisyaryo ang kasalukuyang nasa ilalim ng programa, habang 29,000 iba pa ang nakatakdang magtrabaho sa susunod na linggo. Ang DOLE Regional Office ay nagbayad na rin ng suweldo ng 31,333 TUPAD beneficiaries sa Bulacan, Tarlac, at Bataan matapos ang pananalasa ng bagyo noong nakaraang linggo.

Samantala, sinabi ni DOLE-CALABARZON Regional Director Exequiel Ronie A. Guzman na P90.6 milyon ang inilaan para sa emergency employment ng mga informal sector workers na naapektuhan ng bagyong Karding sa rehiyon.

Makikinabang ito sa mahigit 19,800 manggagawa sa mga lugar na apektado ng Polilio Island, Burdeos at ilang iba pang bayan ng Quezon, Rizal, Laguna, Batangas at Cavite. Jocelyn Tabangcura-Domenden