DOLE naglaan ng P476M para sa emergency employment ng mga sinalanta ni ‘Karding’

DOLE naglaan ng P476M para sa emergency employment ng mga sinalanta ni ‘Karding’

October 6, 2022 @ 7:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Naglaan ng P476 milyon ang Department of Labor and Employment sa Central Luzon (DOLE Region 3) para sa emergency employment program sa rehiyon kasunod ng pananalasa ng Bagyong Karding.

Sa isang public briefing, sinabi ni DOLE Region 3 Regional Director Geraldine Panlilio na nasa 42,000 manggagawa ang kasalukuyang nagtatrabaho ng hindi bababa sa 10 araw upang tumulong sa paglilinis, clearing, de-clogging ng canals, debris segregation, materials recovery, at iba pang aktibidad sa rehabilitation ng kanilang komunidad.

Sa partikular, aniya, inilunsad nila ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) para sa mga biktima ng bagyo.

Sinabi ni Panlilio na nakapagbigay na ang DOLE ng P476 milyon para sa emergency employment sa mga nasalanta o naapektuhan ng bagyong Karding.

“Ang ibang proyekto nito ay on-going, ang iba naman ay for implementation. So, ang on-going projects… nasa 42,000 beneficiaries na nagkakahalaga ng P190 million at in-e-expect pa po natin nag mag-implement pa tayo para naman sa P36,000 na beneficiaries all over Central Luzon,” sabi ni Panlilio.

Ang TUPAD ay isang institutionalized program na ipinapatupad lalo na sa panahon ng kalamidad, bagyo, at kalamidad. Jocelyn Tabangcura-Domenden