DOLE nagpaalala, 13th month pay ibigay sa empleyado

DOLE nagpaalala, 13th month pay ibigay sa empleyado

November 23, 2022 @ 6:37 PM 4 days ago


MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer na bayaran ang mandatory 13th month pay ng kanilang manggagawa bago ang Disyembre 24.

Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na ang mga employer ng pribadong sektor ay inatasan na magbayad ng benepisyo ng kanilang manggagawa na katumbas ng isang buwan nilang suweldo.

“There is no exemption, no deferment. We recognize employers are still struggling. But according to the law, there is no exemption for the 13th month pay,” sabi ni Laguesma sa isang pahayag sa radio.

Gayunpaman, sinabi ng kalihim na ang mga employer at empleyado ay may prerogative na gumawa ng mga espesyal na kaayusan para sa pagbabayad ng benepisyo.

Sa ilalim ng Presidential Decree 851, ang mga employer sa pribadong sektor ay kinakailangang bayaran ang 13th month pay ng kanilang mga regular na empleyado.

Saklaw ng benepisyo sa trabaho ang mga rank-and-file na empleyado sa pribadong sektor.

Ayon sa DOLE, may karapatan ang mga manggagawa sa 13th month pay anuman ang kanilang posisyon, pagtatalaga, o katayuan sa pagtatrabaho, at anuman ang paraan kung paano binabayaran ang kanilang mga sahod, sa kondisyon na sila ay nagtrabaho nang hindi bababa sa isang buwan sa loob ng taon ng kalendaryo. Jocelyn Tabangcura-Domenden