DOLE nagpaalala sa holiday wages ngayong Nobyembre

DOLE nagpaalala sa holiday wages ngayong Nobyembre

November 1, 2022 @ 4:30 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer na magbigay ng tamang dagdag na sahod sa mga empleyadong papasok sa mga idineklarang holiday sa buwan ng Nobyembre.

Sa abiso, sinabi ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma ang tamang komputasyon sa dagdag sahod sa mga idineklarang holiday sa buwang ito partikular na ang Nobyembre 1 at Nobyembre 30.

Sa Nobyembre 1, ang “no work, no pay” principle ay pasok dito kung walang polisiya ang kompanya ng collective bargaining agreement (CBA) na magbibigay bayad sa nasabing araw.

Ang mga empleyadong papasok naman ay obligadong bayaran ng dagdag 30% sa kanilang basic wage sa unang walong oras ng trabaho at ang overtime naman ay babayaran ng dagdag 30% ng kanilang hourly rate sa isang araw.

Samantala, ang empleyadong papasok at tumapat na rest day nila ay dapat mabigyan ng additional 50% ng basic wage sa unang walong oras ng trabaho samantala 30% na dagdag din sa hourly rate ng kanilang overtime.

Sa Nobyembre 30 naman na isang regular holiday, ang empleyadong hindi papasok sa trabaho ay babayaran ng 100% ng kanilang sahod at ang papasok naman ay makatatanggap ng double pay o 200% ng kanilang sahod sa unang walong oras.

Ang overtime naman ay magkakaroon ng dagdag 30% sa basic wage ng 200% at ganoon rin sa mga papasok sa kanilang rest day.

Matatandaan na ang Nobyembre 2 na dating walang pasok ay idineklara ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang special working day o may pasok. RNT/JGC