DOLE-OFW hospital, Job at Business fair sa buong bansa sa Labor Day, hatid ng DOLE

DOLE-OFW hospital, Job at Business fair sa buong bansa sa Labor Day, hatid ng DOLE

April 25, 2019 @ 2:33 PM 3 years ago


Manila, Philippines – Kasabay ng paggunita ng Labor Day sa susunod  na linggo magkakaroon ng job and business fair sa 29 lugar sa buong bansa.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, may temang ‘Pagpupugay sa Manggagawang Pilipino’ ang paggunita kung sana tampok sa Mayo 1 ang  groundbreaking ng pinakaunang DOLE-OFW hospital na itatayo sa San Fernando, Pampanga, pagpapatunay sa pagkilala ng administrasyong Duterte sa mga overseas Filipino worker at sa kabuuan ng manggagawang Pilipino.

Mahigit 1,500 employer ang lalahok kung saan tinatayang aabot sa 200,000 local at overseas job ang iaalok sa malawakang Trabaho, Negosyo, Kabuhayan (TNK) at Build Build Build (BBB) job and business caravan.

Gaganapin ang pangunahing TNK-BBB job and business fair sa Kingsborough International Convention Center sa San Fernando, Pampanga kung saan may inisyal na 150 employers (130 local at 20 overseas placement agencies) ang mag-aalok ng trabaho.

Magsasagawa din ng learning session sa mga paksang tulad ng Philippine Qualifications Framework ng Department of Education; How to Start a Business ng Department of Trade and Industry; at skills demonstration ng Technical Education and Skills Development Authority, kung saan magpapa-raffle ng 100 training scholarship. 

Magsasagawa ang National Reintegration Center for OFWs at Bureau of Workers with Special Concerns ng livelihood seminar para sa mga interesadong naghahanap ng trabaho, samantalang magbibigay naman ang Philippine Overseas Employment Administration ng Pre-Employment Orientation, habang ang Pag-IBIG Fund ay mamahagi ng impormasyon tungkol sa kanilang mga benepisyo.

Ang itatayong OFW hospital, na tutustusan ng donors ng Overseas Workers Welfare Administration, ay pangangasiwaan ng Department of Health. Ang lupa kung saan ito itatayo ay mula naman sa donasyon ng provincial government ng Pampanga. Sa gaganaping groundbreaking, magbibigay ang OWWA ng livelihood package na nagkakahalaga ng P20,000 sa 100 OFWs sa ilalim ng Balik Pinas, Balik Hanapbuhay program ng OWWA.

Ang iba pang lugar ng job and business fair ay sa Ayala Mall South Park, Muntinlupa City; Vista Mall, Tuktukan, Taguig City; at City Social Hall and Sports Complex, Paranaque City sa National Capital Region.

Sa Luzon, ang mga sumusunod ang lugar ng TNK: Baguio City High School–Main Campus sa Cordillera Administrative Region; Magic Mall, Urdaneta City, Pangasinan; Robinsons Ilocos Norte Activity Center, San Nicolas, Ilocos Norte; at Pangasinan PESO Compound, Lingayen, Pangasinan sa Region 1; Cagayan Coliseum, Tuguegarao City, Cagayan sa Region 2; Provincial Government ng Bulacan (April 30); Provincial Government ng Nueva Ecija; at Bocaue, Bulacan (May 2) sa Region 3.

Magkakaroon din ng job and business fair sa CALABARZON sa Pacific Mall, Lucena City, Quezon; at sa Robinson’s Mall, Tejero, City ng General Trias, Cavite (May 2); sa MIMAROPA at Bulwagang Panlalawigan, Provincial Capitol Complex, Camilmil, Calapan City, Oriental Mindoro; at sa Puerto Princesa City, Palawan; at sa Bicol Region sa Pacific Mall, Legazpi City, Albay.  

Maaaring magpunta ang mga naghahanap ng trabaho sa Visayas region sa TNK sites sa Robinson’s Place-Jaro, Iloilo City (Region 6); Trade Hall, SM City Cebu; Mandaue City Hall, Centro, Mandaue City; Social Hall, Cebu Provincial Capitol; at Main Atrium, Robinson’s Place, Calindagan, Dumaguete City, Negros Oriental (Region 7); at Tacloban Convention Center, Tacloban City; at Ormoc City Superdome, Ormoc City (Region 8).

Sa Mindanao, ang mga lugar na pagganapan ng job fair ay sa KCC Mall sa  Zamboanga (Region 9); The Atrium, Limketkai Mall, Cagayan de Oro City (Region 10); Gaisano Mall sa Davao City (Region 11); KCC Convention and Events Center, General Santos City (Region 12); at Balanghai Hotel, Doongan Road, Butuan City (CARAGA).  (Jocelyn Tabangcura-Domenden)