DOLE OKS SA SAFEGUARD DUTY NA IPAPATAW SA IMPORTED NA SASAKYAN

DOLE OKS SA SAFEGUARD DUTY NA IPAPATAW SA IMPORTED NA SASAKYAN

January 14, 2021 @ 12:18 AM 2 days ago

  •  
  •  
  •  

NAGPAHAYAG ng suporta ang Department of Labor and Employment kaugnay sa pagtatakda ng safeguard duty sa mga imported na passenger type at iba pang maliliit na sasakyan upang maprotektahan ang mga manggagawa sa industriya ng automotive.

“Isa itong natatanging hakbangin upang maprotektahan ang ating mga manggagawa at linangin ang kondisyon sa merkado sa naturang industriya na naapektuhan hindi lang ng pandemya, kundi pati na rin dahil sa pagdami ng mga imported na sasakyan,” wika ni Labor Secretary Silvestre Bello III.

Binanggit ni Bello ang datos mula sa Labor Force Survey na nagpapakita ng mga bilang sa trabaho sa sektor ng automotive na bumaba mula sa mataas na antas nitong 109,000 noong 2016 hanggang sa 93,000 nitong 2019.

Ito ay sa kabila ng paglago sa merkado ng automotive at bunsod ng mataas na demand sa bansa.

Bilang isang labor-intensive industry, sinabi pa niya na ang potensyal na oportunidad sa trabaho sa industriya ay lubhang mahalaga.

Dagdag pa ni Bello, isa ito sa mga naging konsiderasyon ipang itulak ang Comprehensive Automotive Resurgence Strategy (CARS) at kabilang sa mga bagay na nagpakilala rito bilang isa sa Key Employment Generators sa ilalim ng manufacturing industry sa DOLE JobsFit 2022.

Gayunman, ang potensyal na ito ay naantala dahil sa rami ng importasyon nitong mga nagdaang taon, ayon pa sa kalihim.

“Ang mabilis na pag-import ng mga sasakyan sa halip na mabuo ito sa sariling bansa ang naglagay rito sa alanganin upang makapagbigay ng malaking kontribusyon sa labor market,” ayon kay Bello.

Sa pamamagitan ng pagtatakda ng Safeguard Duty, wika niya ay, “maaaring humikayat sa iba pang mga kompanya na pagtuunan ng pansin ang pagdaragdag ng pondo at paglinang ng domestic market, kabilang na ang human resources.”

“Ito ay isang malaking hakbangin kasabay ng pagtutulak ng gobyerno upang makabangon sa pamamagitan ng paglinang sa manufacturing resurgence at pagpapaunlad sa workforce,” dagdag pa ni Bello.


  •  
  •  
  •  

Loading...