DOLE-OSHC RATSADA SA LIBRENG ONLINE TRAINING

DOLE-OSHC RATSADA SA LIBRENG ONLINE TRAINING

March 17, 2022 @ 8:10 PM 3 months ago


NAKABUBUTI ang bawat pagpuna. Maraming beses natin itong ginawa sa mga nakaraang kolum (eh, trabaho naman talaga natin ito bilang safety professional).

Sa pagkakataong ito, bibigyan naman natin ng kredito ang mabubuting nagawa at ginagawa ng ilang ahensiya ng gobyerno partikular ang Occupational Safety and Health Center o OSHC na pinamumunuan ni Executive Director Noel Binag.

Nasa pangangalaga ng Department of Labor and Employment ang OSHC upang magsaliksik, mamuno sa OSH training, magkaloob ng technical services at magpakalat ng mga impormasyon upang mapalakas ang labor force at matugunan ang mga pangangailangan sa pag-iwas sa aksidente at sakit.

Mali pala ang kasabihang “walang bagay na libre sa mundo.” Eh, heto na dear readers ang katunayan, meron pa ring LIBRE at ito ang mga ON-LINE training o pa-seminar na hanggang sa kasalukuyan ay ipinagkakaloob ng ahensiya para sa bayan.

Kabilang sa mga kursong ito ang Basic Occupational Safety and Health (BOSH) at Construction Occupational Safety and Health (COSH) na pangunahing requirement para maging ganap na safety officer ang isang aplikante sa general at construction industry.

At hindi lang ‚Äėyan, dear readers, may free ON-LINE 40-Hour Fundamentals of Industrial Hygiene Training pa na kailangan din sa industriya para makontrol ang mga health hazard na nagdudulot ng sakit sa manggagawa.

Kukulangin ang pahinang ito kung iisa-isahin pa natin ang mga libreng kurso na handog ng OSHC. Naaalala ko pa noong araw ang tuition fee ng bawat training. Umaabot ang bawat isa ng P5K pataas pero dahil sa pagnanais ng ahensiya na makatulong sa industriya at gumaan ang pasanin ng taumbayan dahil sa iniindang pandemya, ginawang LIBRE po ito.

Kinakailangan lamang pong sumunod sa patakaran ng pagrerehistro. Para sa karagdagang impormasyon, paki-click ang oshc.dole.gov.ph.

Para kay ED Noel Binag at sa mga opisyal at empleyado na bumubuo ng OSHC, maraming salamat po sa inyo at saludo po kami sa patuloy ninyong pagtitiyaga, pagsisipag, pagmamalasakit at pagseserbisyo nang tapat para sa mga manggagawa at mamamayang Pilipino.

MABUHAY PO KAYONG LAHAT!!!