DOLE, PGH, naghahanda na sa pagbubukas ng kauna-unahang OFW Hospital

DOLE, PGH, naghahanda na sa pagbubukas ng kauna-unahang OFW Hospital

April 3, 2022 @ 11:05 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Pinaghahandaan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng Philippine General Hospital (PGH) ang pagbubukas ng kauna-unahang ospital para sa mga  overseas Filipino workers sa Pilipinas.

Sa isang Facebook post noong Abril 1, inanunsyo ng DOLE na nakipagpulong na ito sa PGH doctors at sa mga opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para paghandaan ang pagpapasinaya sa OFW Hospital sa San Fernando, Pampanga, sa Labor Day, Mayo 1.

Sa pulong, tinalakay ng mga doktor sa PGH ang operation plans ng ospital at inorient ang mga bagong tauhan na kinabibilangan ng mga doktor, nurse, pharmacists, radiologists, medical technicians at human resource staff.

Una rito, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ang hakbang na ito ay pagpapakita ng serbisyo ng ahensya sa mga tinaguriang modern-day heroes ng bansa sa tulong na rin ng mga eksperto mula sa PGH.

Enero 16 nang ianunsyo ng DOLE ang paglagda nito ng memorandum of understanding (MOU) kasama ang PGH.

Sa ilalim nito, inaatasan ang PGH na tulungan ang OFW Hospital na i-train ang mga clinical at administrative personnel, magplano at bumili ng hospital equipment, at mag-formulate ng clinical at fiscal process flow.

Dumalo sa nasabing pulong sina PGH Doctors Rafael Marfori, Jose Dante P. Dator, and Ralph Julius Mendoza; DOLE Director Brenalyn A. Peji, Assistant Secretary Dominique R. Tutay, and Assistant Secretary Ma. Teresita Cucueco; at OWWA Director Jocelyn Hapal. RNT/ JCM