Manila, Philippines – Nagbabala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa mga Pinay na mag-iingat sa ‘ marriage for job’ na raket sa China.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), ginawa ng POEA ang babala matapos iulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may limang kababaihang Pinay na na-stranded sa Tongxu, Henan province at humiling ng repatriation assistance mula sa gobyerno.
Sila umano ay na-recruit ng dalawang Chinese nationals na sina Song Gang at Li Chunrong a.k.a. Steven Lee at pinangakuang makapagtrabaho sa China.
Si Steven Lee ay iniulat na ikinasal kay Violeta Aquino, Filipino national mula Urbiztondo, Pangasinan. Isa sa babaing na recruit din ang nasabing si Lee ang nag-ayos sa kanyang kasal sa isang Chinese national na nakilalang si Wei Qi Lai na ngayon ay nasa Pangasinan bilang turista.
Pinangakuan din ito ni Lee na bibigyan ang kanyang pamilya ng dote na Php140,000.00 matapos nitong pakasalan ang Chinese national at makuha ang kanyabg Chinese visa.
Gayunman, nakatanggap lamang ng Php100,000.00 ang kanyang pamilya matapos ibawas ang mga ginastos sa kanyang wedding reception at pagproseso ng travel documents.
September 11, 2017 ng sila ay ikasal sa Pangasinan at nakaalis patungong China noong November 13,2017 kasama ang napangasawang Chinese gamit ang tourist visa kung saan nanatili sila kasama ang pamilya ni Wei Qi Lai sa Zhangzhou.
Ayon sa DFA’s Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (OUMWA) bagama’t legal ang kanilang kasal sa Chinese national at may valid residence permits, ang mga Pinay ay hindi naman pinapayagang makapaghanap ng trabaho sa China.
Bukod dito, napag-alaman din na walang kakayahan ang kanilang mga asawang Chinese national na suportahan sila at ng kanilang pamilya sa Pilipinas taliwas sa kanilang ipinangako.
Kinumpiska rin ang kanyang pasaporte at kalaunan ay sinasaktan na ng asawang Chinese kaya tumakas ito noong April 23, 2018.
Sa rekord ng DFA, mayroong 23 Pinay na nagpakasal sa Chinese nationals kapalit ng pagkakaroon ng trabaho sa China. (JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN)