DOLE umapela sa private companies: Mga empleyado ayudahan sa inflation

DOLE umapela sa private companies: Mga empleyado ayudahan sa inflation

March 9, 2023 @ 10:15 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Umapela si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma nitong Miyerkules, Marso 8 sa mga pribadong kompanya na ayudahan ang mga empleyado kasabay ng mabilis na pagtaas ng inflation, sa pamamagitan ng isang cash assistance.

Ito ang inihayag ni Laguesma nang tanungin kung ano naman ang tulong na maibibigay sa mga empleyado ng pribadong kompanya gayong ang mga empleyado ng Senado ay mayroong P50,000 adjustment aid para sa inflation.

“Sa mga pribadong sektor meron din kaming mga panawagan, meron din kaming mga apila sakanila. Lalo na yung mga pwede, kayanin nila na bigyan ng assistance, ayuda ang kanilang sariling mga manggagawa. After all naman, nakikinabang din sila sa serbisyo ng mga manggagawa,” ani Laguesma sa panayam kasabay ng ‘Kadiwa ng Pangulo Para (KNP) sa Manggagawa’ launch sa Quezon City.

Ani Laguesma, ang inflationary aid ay hindi ganoon kadaling maibigay dahil sa iba’t ibang salik na kailangan ikunsidera.

“Dalawa ‘yan tinitignan, kasi syempre lahat na gustong pwedeng gawin ng pamahalaan, gagawin niya. Subalit alam naman po natin na hindi naman po unlimited ang resources ng pamahalaan. Kaya malaking bahagi din ang kontribusyon, ang tulong, [ang] kooperasyon ng ating pribadong sektor,” aniya.

“Sa bahagi ng pamahalaan, kinakailangan nila tingnan at pag aralan. Kasi once na gawin mo yan, dapat tignan mo rin yung bang sektor. Hindi lamang isang partikular na sektor, sapagkat ang pamahalaan ay nagseserbisyo sa ating lahat na mga mamamayan,” dagdag pa niya.

Sumagot din si Laguesma sa panawagan ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na wage hike at sinabing tinitimbang pa ng pamahalaan ang kapasidad ng mga employer.

“Alam po naman natin na ang malaking bahagi ng ating mga existing na companies, mga negosyante, ay nandun sa kategorya ng Micro Small and Medium Enterprises (MSMEs) na bamubuo ng mahigit kumulang ng 99 percent ng existing companies sa ating bansa. Kaya binibigyan namin ng ganitong mga klaseng interventions, assistance, para ma-supplement natin yung umiiral na minimum wage. Pero hindi natin din ipagsasawalang bahala ang kanilang petisyon,” paliwanag niya. RNT/JGC