Domestic travel recovery, halos 100% na

Domestic travel recovery, halos 100% na

August 21, 2022 @ 1:41 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Malapit nang bumalik sa 100 porsyento ang domestic travel recovery ng Pilipinas, ayon kay Civil Aeronautics Board (CAB) Executive Director Carmelo Arcilla.

Pagsisiguro pa ni Arcilla na handa na rin ang mga airline para sa pagtaas ng demand ng byahe.

Sa isang pampublikong briefing, sinabi niya na ang internation travel recovery ng Pinas ay nasa halos 70 porsyento dahil may ilang bansa ang hindi pa rin nagbubukas ng kanilang merkado, dagdag niya.

“Ang China ay isang halimbawa dahil sa zero (coronavirus disease 2019) policy nito. Dati, mahigit 100 flights kada linggo ang pagitan ng Pilipinas at China. Ngayon anim na lang ang flight sa pagitan ng dalawang bansa,” ani Arcilla.

Ang China, aniya, ang pangunahing merkado ng Pilipinas, na may humigit-kumulang 1.2 milyon hanggang 1.3 milyong Tsino ang pumasok sa bansa noong 2019.

Ang iba pang bumabalik na merkado ay ang Singapore, USA, at Middle East, Turkey na malaki ang kontribusyon sa labor market ng bansa.

Gayunpaman, siniguo niya na ang mga airline ay handa na para sa peak ng paglalakbay.

“Ngayon kung makikita ninyo sa mga balita sa ibang bansa nagkakagulo sila – cancelled, delayed — dahil hindi nasabayan ng mga airport sa ibang bansa at ng mga airlines iyong balik ng pasahero. Awa ng Diyos dito naman sa atin, nakahanda ang mga airlines natin,” aniya pa.

Bagama’t inamin niyang marami ring kanselasyon ng flight ang bansa, sinabi ni Arcilla na hindi naman ganoon kalala ang sitwasyon kumpara sa iba. RNT