Donaire pagreretiruhin ni Inoue

Donaire pagreretiruhin ni Inoue

June 6, 2022 @ 3:30 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sabik na ang fans na mapanood ang pangawalang bakbakan sa pagitan ng pambato ng Pilipinas at Japan na sina Nonito “The Filipino Flash” Donaire at Naoya “The Monster” Inoue, ayon sa pagkakasunod-sunod,  para sa bantamweight unification bout na sisiklab ngayong Martes sa Saitama Super Arena sa Saitama, Japan.

Nakataya sa laban ang hawak na titulo ni unbeaten  Inoue na WBA at IBF world titles at WBC belt ni Donaire.

Ayon kay Donaire, target niyang bumawi kay Inoue na tumalo sa kanya via unanimous decision sa una nilang paghaharap noong Nobyembre 2019 sa Japan.

“Simula noong huling laban kay Inoue, binago ko ang lahat para lumakas — ang diet ko, ang pagsasanay ko, ang mind set ko, lahat,” ani Donaire.

“Ngayon mayroon akong matinding pagnanais na manalo.”

Sinabi naman ni Inoue na muli niyang tatalunin at pagreretiruhin na si Donaire upang ma-unify niya ang bantamweight title sa kanilang paghaharap ngayon Martes sa harap mismo ng kanyang mga kababayan.

“I think Donaire might retire if he loses,” ani Inoue sa mga reporter.

Sa unang paghaharap ng dalawang, nagwagi si Inoue via unanimous decision pero naging marahas ang kanilang laban na hinirang pang “Fight of the Year” noong 2019.

Sa naganap na laban noong 2019, marami ang nagsabi na laos na si Donaire dahil natalo ito sa dalawa sa tatlo nitong laban subalit nakagugulat ang ipinakita nitong lakas at bilis sa laban kotra sa Japanese fighter.

Sa media interview, nangako ang dalawa na muli nilang uulitin o hihigitan pa ang aksyong sumiklab noong una nilang paghaharap.

Sa laban noong 2019, nakarekober si Inoue mula sa natamong bali sa eye socket at double vision kung saan pinabagsak nito sa 11th round si Donaire para maiuwi ang World Boxing Super Series trophy.

Itinuturing na pinakamahusay na pound-for-pound fighters sa mundo, si Inoue ay wala pang talo sa 22 laban at 19 dito ay via knockout.RICO NAVARRO