Dose-dosenang COVID protesters sa China nakakulong pa – HRW

Dose-dosenang COVID protesters sa China nakakulong pa – HRW

January 27, 2023 @ 10:41 AM 2 months ago


CHINA – Dose-dosenang demonstrador ang nakakulong pa rin sa China makaraang makilahok sa serye ng mga kilos-protesta laban sa pamahalaan noong nakaraang taon dahil sa panawagan na itigil na ang matinding paghihigpit kontra COVID-19.

Ayon sa ulat ng Human Rights Watch nitong Huwebes, Enero 26 hindi pa tukoy ang kinaroroonan ng ilan sa mga nakakulong.

Matatandaan na noong Nobyembre ay nagkasa ng malawakang kilos-protesta sa iba’t ibang lungsod sa China para ipanawagan na itigil na ang malupit na zero-COVID restrictions na kalaunan ay inalis din ng pamahalaan.

Sa kabila nito, iniulat na palihim na hinuhuli ng mga awtoridad sa China ang mga sumali sa pagkilos, kabilang dito ang mga estudyante at mga mamamahayag.

Dahil dito ay nanawagan ang Human Rights Watch sa Beijing ng agarang pagpapalaya at pag-alis sa lahat ng mga kasong inilatag laban sa mga lumahok sa ‘white paper’ protests.

“Young people in China are paying a heavy price for daring to speak out for freedom and human rights,” ani Yaqiu Wang, senior China researcher sa naturang US-based NGO.

“Governments and international institutions around the world should show support and call on the Chinese authorities to release them immediately.” RNT/JGC