DOST budget deliberation tinapos na ng mga solon

DOST budget deliberation tinapos na ng mga solon

September 21, 2022 @ 3:00 PM 2 weeks ago


Manila, Philippines – Tinapos na ng Kamara ang sponsorship at debate para sa P23.064 bilyong panukalang badyet ng Department of Science and Technology (DOST) para sa susunod na taon.

Binigyang-diin ni House Committee on Appropriations Vice Chairperson at Cebu Rep. John Peter Calderon na nagpresenta sa plenaryo ng badyet ng DOST na ang ahensya ay nakatalaga upang magbigay focus sa mga pangunahng programa upang suportahan ang socio-economic agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa kaniyang pagdepensa sa taunang alokasyon ng DOST ay iginiit din ng mambabatas na pangunahing naka-align ang resources ng ahensya sa pambansang operasyon nito hanggang sa mga rehiyon at lalawigan.

“Science, Technology and Innovation will be aggressively used for wealth creation, promotion of health and human well being, wealth protection, disaster and climate resilience, as well as sustainability,” dagdag pa ni Calderon.

Upang agresibo aniyang maipatupad ng DOST ang mga programa nito sa 2023 ay nagtalaga ang gobyerno ng P23.064 bilyon sa the National Expenditure Program.

Ang malaking bahagi ng alokasyon na P12.4 bilyon ay gagamitin sa “scientific and technical services institutes.”

Samantala nakapaloob din sa NEP ang alokasyon o gastusin ng ahensya para sa mga programa ng PAGASA at Phivolcs gaya ng disaster risk reduction at climate change adaptation gayundin ang mga scholarship programs ng Philippine Science High School System at Science Education Institute.

Sa kaniyang interpelasyon o pagtatanong naman ay nakwesyon ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Danniel Manuel ang DOST kung ito ay may kakayahang mapanatili ang suplay ng pagkain gamit ang teknolohiya gaya ng asin na hanggang ngayon ay nangangailangan pa ring umangkat ang bansa.

Tinugon naman ito ni Calderon na ang mga ahensyang nasa ilalim ng DOST gaya ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development (PCAARRD) ay may alokasyon dito na P1.2 bilyon para sa 2023 kung saan ang P700 milyon ay gagamitin upang magabayan ng teknolohiya ang agricultural at aquatic resources research. Meliza Maluntag