DOT magbabantay sa pagbubukas ng bansa sa int’l tourists

DOT magbabantay sa pagbubukas ng bansa sa int’l tourists

January 31, 2022 @ 7:19 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Titiyakin ng ng Department of Tourism (DOT) na susunod ang mga turista at tourism establishments sa minimum public health standards sa pagbubukas ng bansa sa mga fully vaccinated international tourists simula Pebrero 10.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni DOT Secretary Bernadette Puyat na ang DOT, at iba pang concerned national agencies, local government units (LGU), at ibang tourism stakeholders ay magtutulungan para maiwasan ang posibilidad ng panibagong surge sa COVID-19 cases dala ng pagdagsa ng mga dayuhang turista.

“We will be closely monitoring developments in the sector and keeping a close watch on tourism establishments, ‘yun kasi ‘yong mandate namin  to ensure their full compliance with health and safety protocols,” ayon kay Puyat.

Ang foreign travelers, ani Puyat ay required na maging fully vaccinated, may negatibong RT-PCR tests 48 oras bago ang kanilang departure, at hindi na kailangan na sumailalim sa quarantine.

“The reopening of our borders to international travelers in just a few days would be the strongest sign yet that the county’s tourism industry is on its way to a full recovery.”

Sa kabilang dako, nagsimula ang pagbakuna sa mga local tourism workers noong Hulyo 2021 habang ang pagbibigay ng booster shots ay nagsimula ngayong buwang buwan ng Enero.

Ang lahat aniya ng mga manggagawa at residente sa Boracay Island, popular tourist spot, ay mga binakunahan upang matiyak ang kanilang kaligtasan laban sa COVID-19.

“Halos lahat doon sa Boracay ay binakunahan na and right now nasa booster na sila. And in fact, pati ‘yung mga ages 12 to 17 binakunahan na rin.”

“Noong 2020 pa lang, mayroon tayong mga minimum health and safety protocols sa lahat ng mga hotels, resort, accommodation establishment—kasama dito ‘yung DOH—’yun talaga ay ini-implement natin,” dagdag pa ng opisyal.

Nauna rito, inanunsyo ng IATF na ang leisure travelers mula visa-free countries ay papayagan na pumasok ng bansa simula Pebrero 10, hakbang na nakikitang bubuhay sa industriya ng turismo.

Ang mga turistang ito ay kailangan na may pasaporte na balido ng 6 na buwan at outbound ticket para umalis sa kanilang country of origin o sa kanilang susunod na destination country.

Sa ulat, simula bukas, Pebrero 1, ang National Capital Region, Batanes, Bulacan, Cavite, Rizal sa Luzon; Biliran at Southern Leyte sa Visayas; at Basilan sa Mindanao ay isinailalim sa Alert Level 2 matapos makita ng DOH at iba pang health experts ang pagbaba ng COVID-19 cases. Kris Jose