DOT nakatanggap ng mas marami pang report sa hotel quarantine breach

DOT nakatanggap ng mas marami pang report sa hotel quarantine breach

January 3, 2022 @ 10:11 AM 7 months ago


Manila, Philippines – Nakatanggap na ng mas maraming report ang Department of Tourism ng mga paglabag sa quarantine protocol sa mga hotel, bago pa ang insidente sa Makati City, ayon kay DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat.

Sa panayam ng GMA News’ Unang Balita, sinabi ni Puyat na hindi pa ito natututukan ng mga awtoridad dahil sa hindi pa nailalantad ang mga pangalan ng sangkot dito.

“Marami na ring nagkukuwento sa amin pero walang pangalan na ibinibigay. Lagi naman kaming humihingi ng pangalan ng hotel or ng tao na supposedly nag-skip ng quarantine.”

Samantala, patuloy naman ang pagtutok sa babaeng lumabag sa quarantine protocol sa Makati City kung saan posible itong maharap sa ilang kaso.

Nagawa pa nitong mag-party kung saan nagpositibo rin ang mga nakasama nito maging ang ilang staff ng kinainang restaurant.

Kaugnay nito ay humingi na ng dispensa ang Berjaya Makati Hotel dahil sa nangyaring insidente.

Habang hinikayat naman ni Puyat ang mga nagsusumbong sa mga lumabag sa quarantine protocol na ibigay pati ang kanilang pangalan maging ang hotel upang maaksyunan. RNT/FGDC