Manila, Philippines – Rerebyuhin ng Department of Tourism (DOT) ang mga guidelines hinggil sa foreign travels ng kanilang mga opisyal at personnel.
Ito’y kasunod nang ginawang pagpuna ng Commission on Audit (COA) sa umano’y maluhong mga biyahe ng kanilang mga opisyal noong nakaraang taon.
Sa isang kalatas, nilinaw naman ng DOT na ang lahat ng biyahe ng kanilang tanggapan ay pawang opisyal at nakasunod sa mga panuntunan ng gobyerno.
Ngunit dahil nagkaroon ng ganitong kontrobersiya, tiniyak ng DOT sa COA na handa silang silipin ang mga guidelines na sinunod ng dating liderato nito.
“While the Department of Tourism reiterates that all travels were official in nature and have adhered to government procedures, it assures the COA that it will review and revisit the agency’s existing guidelines on foreign travels of its officials and personnel issued January 2018,” bahagi ng pahayag ng DOT na inisyu kahapon.
Ayon pa sa DOT, bukas rin sila sa paglalabas ng mas mahigpit na mga guidelines o pagbalangkas ng bagong bersiyon ng mga guidelines, na higit na makatutugon sa kanilang mandato na makalikha ng magandang imahe ng Pilipinas sa international community at makapagsulong ng positibong global view ng bansa.
Nauna rito, inihayag ng COA na nakakita sila ng mga iregularidad sa mahigit P2 bilyong mga transaksyon ng ahensya sa ilalim ng pamumuno nang nagbitiw na si Secretary Wanda Teo.
Sinabi ng COA na bumiyahe si Teo sa may limang international destinations noong nakaraang taon, kabilang ang Berlin, Germany; Bangkok, Thailand; Istanbul, Turkey; Singapore, at South Korea, at tumanggap umano ng kabuuang daily subsistence allowance na P857,961.95.
Bukod dito, nakakuha rin umano si Teo at 93 iba pang DOT officials ng traveling allowances na nagkakahalaga ng P19.29 milyon, sa kabila ng kawalan ng ispesipikong guidelines hinggil dito mula sa central office. (Macs Borja)