DOT slogan depende kay PBBM – incoming DOT chief

DOT slogan depende kay PBBM – incoming DOT chief

June 7, 2022 @ 1:13 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nakasalalay sa magiging desisyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung mananantili o papalitan ang “It’s more fun in the Philippines” slogan ng Department of Tourism (DOT).

“We recognize the proposals and plans for continuity. All of these plans and programs including the branding will be presented to the president-elect as he will be the one to set the vision for our country in all aspects including tourism,” ayon kay incoming Tourism Secretary Cristina Frasco.

Aniya, interesado si Marcos na i-improve ang overall tourist experience sa bansa maging ito man ay domestic o foreign tourism.

Upang matiyak na makababawi ang tourism sector mula sa matinding epekto ng COVID-19 pandemic, sinabi ni Frasco na kailangan na mag-invest o mamuhunan ito sa imprastraktura.

“I think that having a very, very strong foundation for the industry is very important, and that means investing heavily in infrastructure and as far as improving the connectivity and access to our tourist sites,” ayon kay Frasco.

“That means coordinating closely with relevant government agencies for the improvement of roads, bridges, access, seaports, airports as well as modes of public transportation,” dagdag na pahayag nito.

Maliban dito, kailangan din aniya na pagsamahin ng gobyerno ang technology at innovation, at maging ang digitalization, sa tourism sector.

Kailangan din ani Frasco na i-adopt ng gobyerno ang multi-dimensional approach sa turismo at i-capitalize ang yaman ng talento ng mga Filipino at maging ang mga produkto na pino-produce ng mga lokal gaya ng pagkain, damit at iba pa.

Base naman sa kanyang naobserbahan noong panahon ng COVID-19 pandemic, sinabi ni Frasco na kailangan na magbigay ang pamahalaan ng social protection sa mga tourism workers upang sa gayon ay maramdaman ng mga ito ang pagmamalasakit at pakikialam ng estado sa panahon ng pangangailangan.

At nang alukin aniya siya ni Marcos ng posisyon sa gabinete, sinabi ni Frasco na hindi humiling ng kahit na ano sa kanya ang president-elect maliban sa kanyang commitment na tulungan ang administrasyon na alalayan at tulungan ang mga manggagawa ng tourism industry, at maging ang mga tourism stakeholders na labis na naapektuhan.

Sinabi ng incoming Tourism chief na nagpaabot na siya ng formal communication kay outgoing Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat upang simulan ang transition process. Kris Jose