DOTr: Bike culture sa paaralan, palakasin

DOTr: Bike culture sa paaralan, palakasin

August 18, 2022 @ 10:06 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Gustong palakasin ng Department of Transportation (DOTr) ang bike culture sa sektor ng edukasyon.

Bunsod nito, inihihirit ng DOTr sa mga eskwelahan na maglagay ng bike rocks, shower at iba pang may kaparehas na imprastraktura sa campus para mas maraming mag-aaral at manggagawa sa sektor ng edukasyon ang mahikayat na magbisikleta.

Sa isang media bulletin, hiniling ni DOTr Secretary Jaime Bautista sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na idirekta ang primary, secondary, at tertiary educational institutions na magtayo ng mga “end-of-trip (EoT)” facilities.

“The establishment of the EoT facilities, which include parking spaces for bicycles — sheds, bike racks, as well as showers, will encourage students, teachers, and other school personnel to use existing bicycle lanes,” ani Bautista.

Sa ilalim ng Department Order No. 2020-014 ng DOTr, ang mga batang hanggang 15 taong gulang ay pinahihintulutang gumamit ng bike lane sa pambansa at pangunahing mga kalsada basta’t may kasama silang nasa hustong gulang na siklista.

Sa pamamagitan ng pagtatayo ng EoT facilities, sinabi niya na ang pagbibisikleta ay nagiging isa sa mga pangunahing opsyon sa transportasyon para sa mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani.

Upang mapalakas ang kaligtasan ng mga siklista, lalo na ang mga nasa paligid ng mga paaralan, hiniling niya sa Department of the Interior and Local Government (DILG), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at Land Transportation Office (LTO) na magtalaga ng karagdagang traffic enforcers at marshals sa mga zone ng paaralan. RNT