DOTR, CAAP ‘di obligado sa refund ng pasahero – Bautista

DOTR, CAAP ‘di obligado sa refund ng pasahero – Bautista

January 4, 2023 @ 1:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista nitong Miyerkules, Enero 4 na walang contractual obligation ang ahensya at ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na magbigay ng refund sa mga apektadong pasahero ng nangyaring shutdown ng airspace ng bansa dahil sa power supply glitch noong Bagong Taon.

Ani Bautista, dapat na pag-aralang mabuti ang legalidad ng pagbibigay ng kompensasyon sa mga apektadong biyahero.

Tugon ito ng Kalihim sa naging pahayag naman ni Albay Representative Joey Salceda nang manawagan ito sa pamahalaan partikular na sa CAAP na bayaran ang libo-libong mga pasahero na naapektuhan dahil sa nangyaring aberya sa mga paliparan ng bansa kamakailan.

“Dapat pagaralan natin ang legality nito ano,” ani Bautista.

“Unang una, ‘yung CAAP at saka DOTr wala kaming arrangement with the passengers, ‘di katulad ng airlines. Bumili sila ng ticket, merong obligation ang mga airlines na ilipad sila o i-refund ang kanilang pamasahe ‘pag hindi naka-refund,” dagdag pa niya.

Ang binanggit ni Salceda ay ang Joint Administrative Order (JAO) No. 1 s. 2012 ng Transportation at Trade Departments, na nagsasabing: “[I]n case the air carrier cancels the flight because of force majeure, safety and/or security reasons, as certified by the CAAPs, a passenger shall have the right to be reimbursed for the full value of the fare.”

Anang mambabatas, dapat isertipika ng CAAP ang naturang pangyayari bilang “safety reason for cancellation so that a reimbursement mechanism can be set into motion.”

Sinabi pa ni Salceda na tinatayang nasa kabuuang P660 milyon o P10,000 na halaga ng financial renumeration ang dapat na ibigay sa bawat isa sa 66,000 na pasaherong apektado kabilang ang 56,000 na mga naistranded noong Linggo, Enero 1.

“Pero ang legality nito dapat pag-aralan mabuti dahil, ako hindi naman abogado, pero sa pagkakaintindi ko walang contractual obligation between the passengers and DOTr or CAAP,” giit ni Bautista.

“Dapat pag-aralan mabuti ng ating mga abogado para ano ba ‘yung dapat maging sagot ng gobyerno,” dagdag pa niya. RNT/JGC