‘DOTr di handa, kaya wala munang phase-out sa jeepney’ – Poe 

‘DOTr di handa, kaya wala munang phase-out sa jeepney’ – Poe 

October 8, 2018 @ 5:42 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Inihayag kahapon ni Senador Grace Poe na inamin ng Department of Transportation (DOTr) na hindi handa ang pamahalaan sa total phase-out ng jeepney kaya hindi matutuloy ang itinakdang deadline sa Marso 2019.

Sa ginanap na pagdinig hinggil dito, sinabi ni Poe na inamin ni Chairman Martin Delgra ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi nagbigay ng konsultasyon ang pamahalaan kaya nalilito ang mga drayber kung ano ang gagawin.

“Ang malinaw, ang gobyerno ay hindi pa handa na i-phaseout ang lahat ng mga public utility vehicles na non-compliant doon sa modernization requirement nila dahil hindi nga malinaw kung ano ang mga requirements nila,” ayon kay Poe

“Ang sabi naman natin, sa modernization, kailangang ligtas at ito’y compliant sa Clean Air Act, ‘yun lang naman. Bakit nila mamadaliin at tatanggalan ng trabaho ang ilang daan-libong mga drayber natin?” tanong ng senador.

Sinabi ni Poe na irerekomenda ng Senate committee on public services na huwag madaliin ang phase-out hangga’t hindi malinaw ang requirement upang maging compliant sa modernization program.

“Kasi gusto nila total phaseout na pagdating ng March ‘pag walang mga kooperatiba, narinig na natin mismo kay Chairman Delgra na ipagpapaliban nila ‘yon kasi ito muna—hindi pa nga malinaw kung papaano makaka-utang ng pera ‘yung mga drayber para makakuha ng bagong sasakyan,” aniya.

“Hindi rin malinaw kung ano ba talaga ang magiging requirement para doon sa sasakyan nila. Sa ngayon, hindi pa handa ang gobyerno, mawawalan ng masasakyan ang ating mga kababayan at mawawalan din ng trabaho ang marami, dagdag ng senador.

In principle, sinabi pa ni Poe wala munang total phase-out sa itinakdang deadline ng Palasyo, sa Marso 2019.

“Yun ang sinabi ni Chairman Delgra ngayon, na talagang hindi pa handa ang gobyerno na i-phaseout ‘yan. So in principle, sinabi na niya na hindi puwede o hindi pa dapat maging total phaseout pagdating ng Marso,” ani Poe.

Nadismaya pa si Poe nang marinig sa ilang transport group na mas pinaburan ng modernization program ang malalaking kompanya kaysa maliliit na grupo o kooperatiba.

“Yun pa ang isang nakakadismaya, ang nangyayari, ang nabibigyan ng mga unang prangkisa ay ‘yung mga malalaking negosyante at korporasyon, walang masama do’n pero bigyan din ninyo ng pagkakataon lalung-lalo na ang mga maliliit, sila ‘yung nawawalan ng prangkisa, sila ‘yung nawawalan ng trabaho. Bakit inuna nila ‘yung mga malalaking korporasyon? ‘Yun ang tanong natin,” paliwanag ni Poe.

Samantala, sinabi ni Poe na pakikiusapan niya ang lahat ng transport group na huwag ituloy ang tigil-pasada dahil mas maraming mamamayan tulad ng manggagawa at estudyante ang mahihirapan.

“Alam mo pinapakiusapan nila na ‘wag silang mag-strike. Ang problema, kung hindi naman sila pinapakinggan ng LTFRB at ng gobyerno, masisisi mo ba sila? Pero ang sinasabi ko sana pagbigyan nila ang ating mga pasahero, ‘wag na muna sana hangga’t maaari. Kaya LTFRB, pakinggan naman ninyo sila para hindi naman sila mawalan ng pag-asa at lumabas sa lansangan at mag-strike. Ernie Reyes