DOTr exec: Tsina umatras sa pagpondo sa 3 railway projects

DOTr exec: Tsina umatras sa pagpondo sa 3 railway projects

July 15, 2022 @ 5:15 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Hindi inaktuhan ng Chinese government ang hiling ng administrasyong Duterte para sa loan financing ng tatlong major railway projects, kung kaya’t itinuturing itong withdrawn at kinakailangang muling isulong ng kasalukuyang administrasyon, ayon sa  top official ngDepartment of Transportation (DOTr) nitong Biyernes.

“Ang totoo niyan sa usapang diretso nag-back out ang China. Umatras ang China to fund the Calamba to Bicol, to fund the Tagum-Davao-Digos, to fund Clark to Subic,” ani Transportation Undersecretary for Railways Cesar Chavez.

Paglalahad ni Chavez, inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board ng administrasyong Duterte ang tatlong railway projects na popondohan ng official development assistance (ODA) loan mula sa China.

Subalit, ayon kay Chavez, na ang negosasyon na sinimulan noong 2018 ay hindi nagbunga dahil hindi ito inaktuhan ng China.

Sinabi rin niya na nagpadala na ng liham si dating Finance Secretary Carlos Dominguez III sa Chinese financing agencies na kung hindi tutugunan ang funding requests para sa railway projects hanggang Hunyo 2022, ang huling araw ng Duterte administration, “our application for loan is considered withdrawn.”

Ipinaliwanag niya na sa ODA-funded projects mula sa China, kinakailangang mauna ang procurement bago lagdaan ang loan agreement, na kaiba sa proseso ng ibang bilateral o multilateral partners.

“Walang action, therefore withdrawn, therefore walang pondo,” sabi ni Chavez.

Iginawad ang kontrata sa konstruksyon ng P142 bilyong Philippine National Railways South Long Haul project o ang PNR Bicol mula Banlic, Calamba patungong Daraga, Albay sa joint venture ng China Railway Group Ltd., China Railway No. 3 Engineering Group Co. Ltd., at China Railway Engineering Consulting Group Co. Ltd. (CREC JV) noong Enero.

Halos 85 porsyento ng halaga ng PNR Bicol ay dapat na popondohan ng loan mula sa Chinese government.

Samantala, ang P83 bilyong Tagum-Davao-Digos segment ng Mindanao Railway Project —na ipinangako ni dating Pangulong Rodrigo Duterte — ay hindi rin natuloy dahil hindi naisumite ng China ang shortlist ng contractors para sa design-and-build contract ng proyekto.

Iginawad naman ang konstruksyon ng P51 bilyong Subic-Clark Railway project sa China Harbour Engineering Co. noong Disyembre 2020.

Sinabi ni Chavez na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. “to go back to the negotiating table” kasama ang Chinese government. RNT/SA