DOTR, Grab nagkasundo sa airport-to-hotel transport

DOTR, Grab nagkasundo sa airport-to-hotel transport

December 23, 2022 @ 12:12 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Transportation nitong Biyernes, Disyembre 23 na nakipag-ugnayan ito sa ride-hailing company na Grab upang dagdagan ang land-based transport para sa mga dumarating na biyahero sa bansa.

Ito ay kasunod ng mga reklamo na kulang na kulang ang mga masasakyang pampublikong transportasyon mula sa mga paliparan sa bansa katulad ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Kabilang sa ugnayan ng DOTR at Grab ay ang pagkakaroon ng available na sasakyan na maaari nang masakyan ng mga pasahero sa airport, at maglalagay din ng Grab kiosks upang tulungan ang mga ito na mag-book ng biyahe.

Ayon kay Transportation Usec. Timothy John Batan sa panayam ng ANC, sa ilalim ng kasunduan ay magkakaroon na ng Grab units na para lamang sa paliparan patungo sa destinasyon na pupuntahan ng pasahero.

Sa kabila nito, sinabi ni Batan na ang mga ulat na hirap pa ring makapag-book kahit sa Grab ang ilang mga pasahero sa NAIA ay dulot ng mas mataas na demand dahil sa holiday rush.

Siniguro naman niya na mababawasan na ang ganitong mga suliranin sa oras na matapos na ang Metro Manila Subway na maglalagay ng istasyon nito sa NAIA Terminal 3. RNT/JGC