DOTr inupakan ni Imee sa mandatoryong face shield

DOTr inupakan ni Imee sa mandatoryong face shield

August 6, 2020 @ 1:31 PM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Inupakan ni Senador Imee Marcos ang Department of Transportation (DOTr) sa pagpapalabas ng panibagong “mandatory requirement” sa pagsusuot ng face shield sa pasahero ng pampublikong sasakayan matapos bumaha sa merkado ang produkto na walang bumibili.

Sa pahayag, sinabi ni Marcos na dagdag-pasanin at gastos para sa naghihikahos na Pinoy ang panibagong ‘mandatory requirement’ na face shield ng DOTr sa mga pasahero sa jeep, bus, tren at eroplano na ipatutupad simula sa August 15 sa gitna nang patuloy na pananalasa ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Marcoos na sa harap ng pagtutol ng nakararaming naghihikahos na Pinoy sa krisis na dinaranas dahil sa kawalan ng trabaho, kakapusan ng pagkain at nakatakda pang gastusin sa pagbubukas ng online classes sa August 24.

“Dagdag pahirap ito sa ating mga kababayan. Imbes na pambili ng noodles, mapupunta sa face shield. Hindi pa ba sapat ang physical distancing at pagsusuot ng face mask? Meron pang barrier,” pahayag ni Marcos.

Pinaalalahanan ni Marcos si DOTr Secretary Arthur Tugade na huwag basta-basta na lang biglain na naman sa gastusin ang taumbayan dahil na rin sa kasalukuyang kalagayan ng mga manggagawa o empleyado at iba pang mananakay.

“Alam nating dagdag proteksyon ito sa ating mga kababayan, pero sana tingnan din natin ang kakayanan at kalagayan nila sa buhay. Hindi dapat mandatory, kung sino lang ang may kakayanan na makabili. Sagad na ang mga mahihirap nating mga kababayan, bakit hindi na lang ito ipamigay nang libre?” dagdag pa ni Marcos.

Nanawagan naman si Marcos sa Department of Trade and Industry (DTI ) na bantayan ang presyo ng face shield dahil malamang na biglang sumirit ang presyo nito sa merkado.

“Hindi pa nga naipatutupad ang mandatory face shield, napabalitang biglang sumirit ang halaga nito dahil lumakas ang bentahan, at tiyak na sasamantalahin na naman ito ng mga ganid na negosyante, kaya dapat agapan na ng DTI at magpatupad ng price ceiling,” ayon kay Marcos.

Naglalaro sa P30.00 hanggang P40.00 ang presyo ng face shield at napabalitang sumirit na ito sa halagang P60.00 hanggang P65.00 bawat piraso. Ernie Reyes


  •  
  •  
  •  

Loading...