DOTr, LTFRB sa MMDA: No contact sa PUVs suspendihin muna sa balik-iskul

DOTr, LTFRB sa MMDA: No contact sa PUVs suspendihin muna sa balik-iskul

August 22, 2022 @ 9:01 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Kapwa humirit ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na suspendihin ang no contact apprehension policy (NCAP) para sa public utility vehicles sa gitna ng pagbubukas ng klase ngayong araw, Agosto 22.

Sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na ang reopening ng mga ruta ay para sa antisipasyon o pag-asang mas maraming pasahero at sasakyan ngayon sa mga lansangan at kalsada lalo pa’t simula na ngayon ng face-to-face classes sa bansa.

Noong nakaraang linggo, nagpalabas ang LTFRB ng dalawang memorandum circulars kung saan nakasaad dito na may kabuuang 133 ruta para sa mga buses, jeepneys, at UV express units ang bubuksan kasunod ng inaasahang pagdami ng mga pasahero o mananakay ngayong araw ng Lunes, Agosto 22.

Nakasaad pa sa kalatas na habang ang PUVs ay wala pang Certificates of Public Convenience , bibigyan ang mga ito ng special permits para payagan na mag-byahe habang nagdesisyon naman ang LTFRB kung kailan sisimulan at bubuksan ang aplikasyon para sa CPCs para sa mga ruta sa ilalim ng Route Rationalization Study.

Samantala, sinabi naman ng MMDA na hindi nila huhulihin ang mga PUVs na walang CPCs para sa mga muling binuksang ruta at hindi rin kasama ang mga ito mula sa number coding scheme.

Pinaalalahanan naman ang mga drivers ng PUVs na sundin ang mga itinakdang rules ng LTFRB sa ipinalabas na provisional authority. Kris Jose