DOTr magiging ‘very tolerant but firm’ sa pagpapatupad ng ‘no vax, no ride’ policy

DOTr magiging ‘very tolerant but firm’ sa pagpapatupad ng ‘no vax, no ride’ policy

January 17, 2022 @ 11:24 AM 7 months ago


Manila, Philippines – Maninindigan ang Department of Transportation (DOTr) sa maigting na pagpapatupad ng ‘no vaccination, no ride’ policy sa mga pasahero sa National Capital Region (NCR).

Sa panayam ng Unang Balita, sinabi ni DOTr Undersecretary Artemio Tuazon Jr. na magiging “very tolerant but firm” sila sa unang ilang araw ng pagpapatupad ng polisiya.

“Bagama’t puwede na silang tiketan, pagsasabihan muna sila. Pero kapag paulit-ulit ang violation ay talagang ti-tiketan na sila,” ani Tuazon.

Nakadeploy na rin aniya sa ilang ruta ang mga traffic enforece upang mabantayan ang ilang pampublikong sasakyan.

Dagdag pa rito, DOTr ang hahatol sa pagbibigay ng penalty o parusa sa public utility vehicle (PUV) operators at drivers na mahuhulihan ng hindi bakunadong pasahero.

Paliwanag ni DOTr Road Transport Sector Assistant Mark Steven Pastor, mapananagot ang mga operator at driver sa ilalim ng Article I, Section J ng Joint Administrative Order No. 2014-01.

Maaari naman silang magmulta ng P1,000 hanggang P10,000 depende sa kung ilang beses nalabag ang nasabing polisiya.

“Intindihan lang natin at ‘wag nang mandaya. Intindihin na lang natin itong polisiya at para sa proteksyon din naman po nila ito,” paalala pa ni Tuazon sa mga pasahero.

Habang ipinunto rin ng opisyal na hindi muna dapat bumiyahe ang mga hindi bakunadong drayber maging konduktor. RNT/FGDC