DOTr MRT-3 nag-sorry sa ‘water falls’ sa loob ng tren

DOTr MRT-3 nag-sorry sa ‘water falls’ sa loob ng tren

August 8, 2018 @ 1:20 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Nag-sorry ang Department of Transportation Metro Rail Transit o DOTr MRT-3 sa mga naperwisyong pasahero kahapon sa viral video na tila may ‘water falls’ sa loob ng tren.

Sinisi nila sa ilang dekada na pagsasawalang bahala ang nangyaring mala-‘Wild River’ na biyahe ng mga pasahero.

“We acknowledge po na ‘yung talagang problema ng MRT ay hindi madaling ayusin kasi resulta po iyan ng ilang dekadang neglect and kamalian sa operational and management decision,” ayon kay DOTr communications director Goddess Hope Libiran sa panayam sa telebisyon.

Nilinaw rin ni Libiran na tulo mula sa airconditioning units at hindi ulan ang tubig na pumerwisyo sa mga pasahero kaninang umaga.

Ayon kay Libiran, ang mga nararanasan ngayong mga perwisyo ay dulot ng hindi maaayos na sistema simula ng magsimula ang operasyon noong 2000.

Pero ngayon ay asahan na aniya ang mga pagbabago dahil sa mga rehabilitasyon at maintenance work ng MRT-3 ng Sumitomo Corp.

Matatandaang nag-viral ang video ng netizen na si Giselle Tolosa kung saan mistulang ‘Wild River’ ang loob ng MRT-3 at kaniya-kaniyang bukas ng payong ang mga dismayadong pasahero.

Naganap ang insidente sa pagitan ng alas-kwarto hanggang alas-singko ng hapon ng Martes. (Remate News Team)