DOTR muling nanawagan ng dialogue sa transport groups

DOTR muling nanawagan ng dialogue sa transport groups

March 6, 2023 @ 6:51 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Muling nanawagan si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista nitong Lunes, Marso 6 na panibagong dialogue sa mga transport groups kaugnay ng nagpapatuloy na transport strike laban sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.

“Nakikiusap kami dito sa mga gustong sumali sa strike na makipag-usap sa amin. Open naman yung offcie namin. Baka hindi lang nila naintindihan ang mga issues. Mas mabuti mapag-usapan,” aniya, sa public briefing.

Sinabi ni Bautista na hindi plano ng DOTR na i-phase out ang mga jeepney units pagsapit ng Disyembre 2023, ngunit kailangan ng mga drayber at operator na magkaroon ng consolidation para sa tulong ng pamahalaan sa modernisasyon.

Sa pulong balitaan, sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chief Teofilo Guadiz III na handa ang ahensya na magkaroon ng adjustments para matugunan ang pangangailangan at panawagan ng mga grupo na sumali sa tigil-pasada.

“We are willing to adjust to your needs basta ho ang importante dito tayo ay nagkakaintindihan, that we have one common denominator at ito ay kapakanan ng mga sumasakay sa ating pampublikong sasakyan,” aniya.

Nitong Lunes, Marso 6 ay nanawagan ang grupong PISTON kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suspendihin ang implementasyon ng panuntunan kaugnay ng PUVMP.

“Kailangan harapin ng ating pamahalaan lalo na ni BBM na kung puwede niyang gawin ay maglabas siya ng executive order na i-suspende yung implementation nung [Department of Transportation Order No.] 2017-011 na ito, ‘yung omnibus franchising deadline,” sinabi ni PISTON president Mody Floranda sa panayam ng GMA.

Ayon sa DOTR, nasa 5% lamang ng mga jeepney driver at operator ang lumahok sa tigil-pasada sa buong bansa, habang 10% naman sa National Capital Region. RNT/JGC