DOTr nakahanda sa transport strike

DOTr nakahanda sa transport strike

March 1, 2023 @ 10:07 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Naglatag ang gobyerno ng contingency measures kung sakaling ituloy ng transport groups ang kanilang transport strike sa susunod na linggo, pagsisiguro ng Department of Transportation (DOTr).

Sinabi ni DOTr Secretary Jaime Bautista sa mga mamamahayag na maaaring ma-tap ang mga ahensya para magbigay ng mga sasakyan para matulungan ang mga apektadong commuters.

“For example, ang Coast Guard, meron kaming available na mga sasakyan. Other government agencies, MMDA, marami namang magsu-support sa atin,” ani Bautista.

Idinagdag ni Bautista na ilang modernong jeepney ang patuloy na dadaan sa mga kalsada sa kabila ng protesta.

Nauna nang nagbabala ang transport group na Manibela na ang mga tradisyunal na jeepney at UV Express operator at driver ay magpapatuloy sa isang linggong welga sa buong bansa simula Marso 6 kung hindi tutugon ng mga awtoridad ang kanilang panawagan na suspindihin ang mandatoryong pagsasama-sama ng kanilang mga prangkisa.

Sinabi ni Bautista na inimbitahan niya ang grupo para sa isang dialogue tungkol sa usapin.

“Pakikiusapan pa rin natin sila na ‘wag ituloy,” ani Bautista. “Palagay ko pag nagkausap kami nang maayos, hindi matutuloy ‘yung strike.”

Nasa 100,000 operator at driver ang inaasahang sasama sa strike na tatagal hanggang Marso 12, ayon sa Manibela. RNT