DOTr: OPLAN Balik Eskwela ng DOTr kasado na

DOTr: OPLAN Balik Eskwela ng DOTr kasado na

July 23, 2022 @ 11:15 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) nitong Biyernes na handa na ang pampublikong maritime transport sa bansa para sa pagbabalik ng face-to-face classes sa Agosto sa ilalim ng multi-agency effort na “OPLAN Balik Eskwela”.

“Upang masiguro ang kaligtasan at kaayusan ng bawat biyahero sa nalalapit na pasukan sa Agosto, nakahanda at kasado na ang ‘OPLAN’ Balik Eskwela,” sabi ng DOTr sa Facebook post.

Ayon sa DOTr, ang mga daungan at passenger vessels sa maritime sector ay handa na para tugunan ang inaasahang pagdagsa ng mga pasahero  at maritime traffic sa nasabing panahon.

“Kaya naman narito ang mga isasagawa ng Philippine Coast Guard (PCG), kabilang na ang mga preventive at response measures, at pagpapatibay at paghahanda ng lahat ng operating units nito sa bansa ” ayon pa sa DOTr.

Sa mga pasahero na may problema o anumang alalahanin na may ugnayan sa pampublikong transportation, sinabi  ang Malasakit help desk ay inatasan na mag- operate “24/7” sa lahat ng ports at terminals sa ilalim ng  Philippine Ports Authority (PPA), PCG,  Cebu Port Authority (CPA), Maritime Industry Authority (MARINA), Office for Transport Security (OTS), at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Noong Hunyo, sinimulan ng DOTr ang OPLAN Balik Eswela 2022 sa pamamagitan ng ‘Child Road Safety Law Enforcement Visibility Day’ upang pangunahan ang maraming sabay-sabay na pagsusuri sa kaligtasan sa kalsada sa buong bansa sa pakikipagtulungan sa iba pang institusyon ng gobyerno tulad ng DOTr line agencies at Metropolitan Manila Development Authority ( MMDA).

Ang mga local government units, sa pakikipagtulungan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ay nagpatupad din ng komprehensibong road safety ordinance — kabilang ang Quezon City, Tuguegarao City, Ormoc City, at Danao City. Jocelyn Tabangcura-Domenden