DOTr: P1.4B kailangan sa pagpapaandar sa ‘Libreng Sakay’ program

DOTr: P1.4B kailangan sa pagpapaandar sa ‘Libreng Sakay’ program

July 11, 2022 @ 5:36 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Kakailanganin ng Department of Transportation (DOTr) na makakuha ng karagdagang pondo na P1.4 bilyon sakaling magpatuloy ito sa libreng sakay para sa mga commuter hanggang sa katapusan ng taon, sinabi ng isang opisyal.

Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, ang libreng bus rides sa EDSA Carousel ay mayroon lamang fixed budget at ang departamento ay kailangang makipag-ugnayan sa Department of Budget and Management (DBM) para sa higit pa.

“‘Yun pong libreng sakay diyan sa EDSA Carousel ay mayroong certain budget. Kung itutuloy po natin ‘yan hanggang December, we will need additional budget of around P1.4 billion which hindi ho available sa existing budget namin,” sabi ni Bautista saLaging Handa briefing.

Kamakailan ay pinalawig ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng libreng sakay sa EDSA Bus Carousel, kasama ang libreng sakay para sa mga mag-aaral sa mga rail lines sa Metro Manila.

“Kung kailangan nating ituloy hanggang December 31, we will ask for additional budget from the Department of Budget and Management. So hihingi kami ng tulong sa Presidente para magkaroon ng ganyang budget dito sa DOTr,” sabi Bautista .

Sa ilalim ng programa, kumukuha ang gobyerno ng mga bus para magbigay ng libreng sakay sa mga commuters.

Ang kabuuang kontrata kada kilometro para sa mga public utility bus, tourist bus, at mini bus ay itinaas sa P84.00 mula sa P82.50 dati, at naging P54.00 mula P52.50 para sa pinagsama-samang moderno at tradisyonal na jeepney at UV Express units noong Abril 2022.

Si Bautista, dating pangulo at chief operating officer ng flag carrier Philippine Airlines, noong nakaraang linggo ay nagsagawa ng sorpresang inspeksyon sa iba’t ibang moda ng transportasyon gaya ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT3).

Sinabi Ng kalihim na naobserbahan ang ipang isyu na madaling matugunan tulad ng pagpapabuti ng mga pasilidad, kabilang ang pag-install ng mga bidet sa mga comfort room at paggawa ng customer assistance group na mas accessible sa lahat ng commuters.

Isinulong din niya ang lahat ng istasyon ng MRT3 na magkaroon ng kagamitang medikal kung sakaling magkaroon ng emerhensiya, dahil lima lamang sa 16 na istasyon ang may kinakailangang gamit.

Sinabi rin ni Bautista na magsasagawa siya ng mga sorpresang inspeksyon kasama ang tagapangulo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa iba pang uri ng transportasyon tulad ng mga bus at jeepney. Jocelyn Tabangcura-Domenden