DOTr pinagsusumite ng makatotohanang solusyon sa jeepney phase-out

DOTr pinagsusumite ng makatotohanang solusyon sa jeepney phase-out

February 28, 2023 @ 4:10 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Inatasan ni Senador Grace Poe ang Department of Transportation (DOTr) na magsumite ng makatotohanang solusyon sa hinaing ng operator at driver ng pampublikong sasakyan partikular ang public utility vehicle (PUV) tulad ng dyip hinggil sa modernization program.

(Larawan kuha ni Danny Querubin)

Sa pahayag, sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public services na hindi dapat balewalain ng pamahalaan partikular ang DOTr ang isyu na ipinahahayag ng operator at drayber dahil nakasalalay dito ang kabuhayan nila.

“Hindi dapat balewalain ang mga isyu na kanilang ipinahahayag at kailangang maging bukas lagi ang linya ng komunikasyon sa kanilang mga grupo,” ayon kay Poe.

Aniya, dapat mismong si Transportation Secretary Jaime Bautista ang makipagpulong sa sektor ng transportasyon upang dinggin ang kanilang hinaing at humanap ng solusyon at mapigilan ang nakaambang welga ng drayber na magpapalumpo sa transportation system.

(Larawan kuha ni Danny Querubin)

“Inuulit natin ang ating panawagan sa DOTr at LTFRB na magsumite ng report para malaman natin kung ano na ang narating at ano pa ang mga dapat gawin sa programang ito, “ ayon kay Poe.

Aniya, kailangan ding maging makatotohanan sa target at alamin kung ano ang kayang abutin sa takdang panahon.

“May tungkulin ang ating pamahalaan na gawing matagumpay ang modernization program para sa ligtas, maaasahan at abot-kayang transportasyon ng ating mga kababayan,” giit ng mambabatas.

Gayundin, hiniling ng Senado sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipagpaliban ang planong phaseout ng tradisyunal na pampasaherong dyip sa buong bansa na nakatakda sa Hunyo 30.

Nitong Martes, mabilisang pinagtibay ng Senado ang Senate Resolution No. 44 na mahigpit na humihiling sa LTFRB na suspendihin ang nakabinbing phaseout ng jeepney habang hindi nalulutas ang balido at mabilisang pangangailangan na ipinalutang ng apektadong operator at driver hinggil sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Inawtor at inisponsor ni Senador Grace Poe, chairman ng Senate Committee on Public Services, tinutukoy ng resolusyon ang implementasyon ng memorandum circular ng LTFRB na nagbibigay ng tradisyunal na dyip hanggang June 30 na makabiyahe kapag nabigo ang kanilang operator na lumahok o bumuo ng isang kooperatiba o korporasyon.

“The LTFRB should not coerce PUV operators into complying with their guidelines without addressing the sector’s concerns, particularly on the high capital costs of acquiring modern jeepneys,” ayon sa resolution, na tumutukoy sa problemang kinahaharap ng transport groups.

“To continue with the phaseout without taking these concerns into consideration would run counter to the directive of the Constitution to promote social justice in all phases of national development,” ayon pa sa resolusyon.

Binanggit din ni Poe, nanguna sa maraming pagdinig hinggil sa PUVMP, ang kawalan ng rout rationalization plan mula sa LTFRB, bilang pangunahing pangangailangan na magdedetermina sa ruta ng modernong dyip.

Ayon kay Poe, marami nang panukalang batas ang naihain sa Senado na maging “transisyon” lamang ang PUV modernization at tugunan ang butas at problema hinggil sa naturang programa.

“We are not against modernization. If anything, we want to make it easier to achieve. There is always a win-win solution,” ayon kay Poe sa kanyang talumpati.

“To enforce a deadline is not only insanity, but also inhumane,” giit pa niya.

Sumuporta ang lahat ng senador bilang co-author ng Resolution No. 44. Ernie Reyes