DOTr sa PUV operators: Makipagdayalogo kaysa transport strike

DOTr sa PUV operators: Makipagdayalogo kaysa transport strike

February 28, 2023 @ 9:52 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inaanyayahan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga public utility vehicle (PUV) operator sa isang dayalogo para tugunan ang kanilang alalahanin at hinaing sa PUV modernization program (PUVMP) sa halip na magsagawa ng transport strike.

Sa pahayag ni DOTr Secretary Jaime Bautista, na ang kamakailangang dayalogo na pinangunahan ng  Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa operators ay maaring magdulot ng hindi pagkakaunawaan dahil wala ang DOTr sa nasabing pagpupulong.

Ayon kay Bautista, inatasan na niya si DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor na makipag-ugnayan sa LTFRB at operators.

Aniya, ang traditional public utility jeepneys o PUJ ay maaaring i-phase out sa loob ng taon sa mga lugar na mayroon nang sapat na supply ng mga modernong PUJ.

Hinimok naman ng kalihim ang mga operator na hindi pa nagmo-modernize,  na lumikha  o  sumali sa mga kooperatiba bilang bahagi ng consolidation requirement ng PUVMP na maaaring tulungan ng DOTr sa pamamagitan ng mga pautang para sa mga bagong PUV.

“We’re working closely with the Development Bank of the Philippines (DBP) and with Landbank to help them finance the acquisition of modernized equipment,” saad ni Bautista.

Sa mga lugar naman na may sapat na bilang ng makabagong PUVs, binalaan nito na ang mga traditional PUVs ay hindi makakuha ng bagong prangkisa.

Gayunman, sinabi ni Bautista na bibigyan pa rin ng tyansa na sila ay makasali at tutulungan silang makakuha ng bagong kagamitan.

Matapos magbabala ang LTFRB sa mga PUV operator na ang mga traditional jeepney ay hindi na papayagan magpatuloy na mag-operate  matapos ang June 30, 2023 sa pamamagitan ng Memorandum Circular 2023-013 ay nagpatawag ng press conference ang transport group MANIBELA — na binubuo ng traditional na PUJ at UV Express operators.

Gayunpaman, ang memorandum ay may kasamang eksepsiyon para sa mga indibidwal na operator na nagsasama-sama o sumali sa isang transport cooperative at maaaring mapalawig ang kanilang provisional authority hanggang Disyembre 31. Jocelyn Tabangcura-Domenden