DOTr: Tradisyunal na dyip, ‘di balak burahin sa PUV modernization

DOTr: Tradisyunal na dyip, ‘di balak burahin sa PUV modernization

March 13, 2023 @ 11:06 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Nilinaw ng Department of Transportation (DOTr) na hindi saklaw ang disenyo ng jeepney sa Philippine National Standards (PNS), at hindi layon ng modernization program ang phase out ng disenyo ng tradisyunal na “king of the road.”

Inihayag ng DOTr na saklaw lamang ng PNS ang dimensional limits, engine requirements, at safety features na dapat mayroon ang modern public utility vehicles (PUVs).

“Wala itong paghihigpit patungkol sa disenyo o itsura ng mga jeepney unit at mas lalong hindi nito nais burahin ang iconic jeepney designs na nakadikit na sa kultura ng mga Pilipino,” anito.

Sinabi ng DOTr na nilalayon lamang ng PNS na tiyakin na makasunod ang PUVs sa Euro 4 emissions standards, alinsunod sa Administrative Order ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na utos ng United Nations.

Ito ay kasunod ng pahayag ng mga mambabatas nitong nakaraang linggo na dapat panatilihin ang disenyo ng traditional unit sa modernized jeepneys, sa ilalim ng PUV Modernization Program.

Nauna nang sinabi ng DOTr na wala itong nakikitang problema sa mungkahi, hangga’t makakasunod ang prototype sa required measurements at environmental guidelines.

Inilahad ni Transportation Undersecretary Mark Steven Pastor nitong nakaraang linggo na sa 48 public utility jeepney (PUJ) manufacturers, 13 ang Pilipino, at nakasalalay sa jeepney cooperative o corporation kung alin ang pipiliin nito.

Matatandaang nagkasa ang PUV groups ng transport strike para ihayag ang oposisyon sa programa, sa pag-apela ng operators na bigyan sila ng mas mahabang panahon na lumipat sa modern jeepneys.

Pinalawig naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang deadline sa December 31, 2023 kasunod ng pag-anunsyo ng transport strike. RNT/SA