DPWH: 12 sa 119 Build, Build, Build projects nakumpleto na

DPWH: 12 sa 119 Build, Build, Build projects nakumpleto na

April 27, 2022 @ 6:53 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Naging matagumpay ang administrasyong Duterte sa pagpasok sa tinatawag na “golden age of infrastructure” na ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim sa P8-trillion infrastructure program sa simula pa lamang kanyang termino.

Ito sa kabila ng ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na 12 lamang mula sa 119 infrastructure flagship projects (IFP) ang nakumpleto sa ngayon na nagkakahalaga ng P70.65 billion o 1.4% ng kabuuang P5.08 trillion halaga ng investments para makumpleto ang lahat ng mga proyekto.

Tatlong malalaking proyekto ang natapos pagdating sa usapin ng gastos kabilang ang MRT-3 Rehabilitation Project na nagkakahalaga ng P21.966 billion, ang New Clark City Phase 1 na nagkakahalaga ng P18 billion, at ang Clark International Airport Expansion project, P14.972 billion.

“Yes. As I’ve mentioned, coming with a huge package of infrastructure projects is not an ordinary task. If you compare that with previous administrations, it entails a huge effort both technical and financial, operations,” saad ni DPWH Undersecretary Emil Sadain sa press conference sa 5th Inter-agency IFP Forum sa Pasay City nitong Miyerkules.

Ayon kay Sadain, na siya ring chief implementer ng flagship projects sa ilalim ng Build, Build, Build (BBB) program, ang infrastructure spending ng administrasyon ay pumalo sa 5.9% ng gross domestic product na malayo sa normal standard na 5%.

“The past many administrations have never prepared this kind of momentum of projects,” pagmamalaki pa ng opisyal.

Sinang-ayunan naman ito ni National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary Roderick Planta kung saan sinabi niya na ang “headline metric” sa pagsukat ng tagumpay ng Build, Build, Build program ay ang infrastructure expenditure.

“And we’re consistently hitting at the minimum 5% of GDP and this is at least twice what was spent or as compared to previous decades of infrastructure development,” ani Planta.

Samantala, pitong IFPs pa ang nakatakdang makumpleto sa Hunyo, ang huling buwan ng panunungkulan ni Pangulong Duterte.

Kabilang dito ang Unified Grand Central Station at ang LRT-2 East Extension projects.

Samantala, Meanwhile, 12 proyekto ang nakatakda ring matapos sa December 2022 kabilang ang MRT 7 (P75 billion), Metro Manila Skyway Stage (P65.39 billion), Southeast Metro Manila Expressway (P45.29 billion), at ang C5 Southlink Expressway (P12.645 billion).

Ayon kay Sadain, kabuuang 88 IFPs pa ang maisasalin na sa susunod na administrasyon kabilang ang big ticket projects na Metro Manila Subway project, Mindanao Railway project, at ang North South Commuter Railway project.

Umaasa naman si Planta na ipagpapatuloy ng susunod na administrasyon ang pagkumpleto sa mga natitira pang infrastructure projects. RNT/ JCM