DPWH chief sa cable cars: Pwede pero hindi sa ngayon

DPWH chief sa cable cars: Pwede pero hindi sa ngayon

August 24, 2022 @ 10:42 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinabi ni Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan na ang aerial cable car system ay isa sa mga bagay na pwedeng paghandaan ng Pilipinas, subalit sa kasalukuyan ay kinakailangang tutukan ang pagpapabuti ng land transportation sa bansa.

“It’s probably one of the things that we can look forward to but at this point in time pagtuunan muna natin ang land traffic. It’s nice to have, siguro in the near future,” ani Bonoan.

“If the economy will be able to sustain ‘yung growth, I think pwede naman ‘yung mga ganyang transportation mode, it is already adopted in other countries,” dagdag niya.

Matatandaang inirekomenda ni Senator Robinhood Padilla ang paggamit ng cable cars bilang solusyon sa mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila.

“Napagaralan na po ito ng mga experto galing sa bansang France sa pamumuno ng kanilang ambassador na nag-alok pa na sila ang gagawa nito at dito po ipinanganak ang idea ng 4.5 kilometers along the Santolan-Eastweood-Pasig corridor,” ani Padilla.

Magugunitang noong Hunyo 2021, sinabi ni dating Finance Secretary Carlos Dominguez III na “up for approval” na ng Investment Coordination Committee (ICC) ang $100-million Manila Urban Car Cable project ng Department of Transportation (DOTr).

Sa ilalim ng panukala, nagpahayag ang France ng kagustuhang magbigay financing support sa pamamagitan ng concessional loan. Iginawad na ng French government ang €450,000 sa pamahalaan para sa feasibility study sa proyekto.

Inisyal na kasama sa proyekto ang pagtatayo ng cable-propelled mass transport system.

Batay sa proposal, magsisimuma ito sa Santolan Station ng Light Rail Transit Line 2 (LRT2) sa Marikina City, na may mga istasyon sa Libis, Quezon City; Eastwood, Quezon City; Santolan, Pasig City; Manggahan, Pasig City; at Rosario, Pasig City. RNT/SA