DPWH ginisa ni Padilla sa pagkawasak ng paaralan sa N. Ecija sa hagupit ni ‘Karding’

DPWH ginisa ni Padilla sa pagkawasak ng paaralan sa N. Ecija sa hagupit ni ‘Karding’

October 13, 2022 @ 4:27 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Matinding ginisa ni Senador Robin Padilla ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagkawasak nang tuluyan ng Malimban Elementary School, sa Gapan City, Nueva Ecija sa kasagsagan ng bagyong Karding kamakailan.

Sa kanyang pagtatanong sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on finance sa badyet ng ahensiya na pinamumunuan ni Senador Sonny Angara, kinuwestiyon ni Padilla ang DPWH kung bakit nawasak ang paaralan pero nananatiling nakatayo ang mga kabahayan sa paligid nito.

Sinabi ni Padilla na maaaring naitayo ang ilang kabahayan sa paligid ng naturang eskuwelahan nang walang tulong ng inhenyero o arkitekto pero nakaligtas sa pananalasa ng bagyong Karding.

Itinanong ng senador kay DPWH Secretary Manuel Bonoan kung bakit matinding nadurog ang eskuwelahan kasama ang gymnasium dito sa kabila ng produkto ito ng mahuhusay na utak ng inhenyero.

“Meron lang po akong gustong ipakita po sa inyo na mga larawan na nagbigay po sa akin ng palaisipan ito. Napaka— hindi po ako nakatulog sa larawan na ito […] ito po ay nangyari no’ng nakaraang bagyo sa Nueva Ecija, ito po ay isang paaralan doon, tignan niyo po nang mabuti, nagkagutay-gutay po ‘yong paaralan,” ayon kay Padilla.

“Pero ‘yon pong mga katabi niyang bahay na masasabi po natin na ito pong mga bahay, mga katabi niyang bahay, karamihan po d’yan ay walang arkitekto, walang engineer, sila-sila lang po ang gumawa, ayos. ‘Yoon pong paaralan at ‘yoon pong gym, nabalikuko po lahat ang mga bakal parang dumaan po d’yan ang kalaban ni Superman at inikot-ikot. ‘Yan po ang nangyari,” dagdag niya.

Kinuwestiyon din ni Padilla si Bonoan kung may nakatalagang inspector ng DPWH na susuri sa kalidad ng materyales na gagamitin sa pagtatayo ng silid-aralan na maaaring gumamit ng mahihinang klase.

Bilang tugon, sinabi ni Bonoan na paiimbestigahan nya ang insidente dahil siya mismo ay naguguluhan kung bakit nadurog ang eskuwelahan.

“Kailangan po kung ganito ang nangyari dito sa lugar na ito, kailangan lang po maimbestiga ito kung ano ba ang nangyari dito, kasi kataka-taka naman po talaga na nag-iisa naman po ‘yong nasira — well if it is a school building o kaya gymnasium po ito, and patignan po natin,” ani Bonoan.

“We cannot tolerate actually ‘yong hindi naman natin pababayaan po na substandard po ‘yong ginagamit,” giit pa ng kalihim.

Kasabay nito, hiniling ni Padilla sa DPWH na suriin nang mabuti ang pagtatayo kahit gobyerno man o pribadong ahensiya ang nasa likod ng konstruksiyon ng public school building.

Ayon kay Bonoan, mayroon silang local team na mag-iimbestiga dito saka idinagdag na matapos ang pananalasa ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas, itinakda na dapat makakaya ng lahat ng school building ang 350 kilometrong bilis ng hangin kada oras ng bagyo.

“Wala pong nagche-check up niyan, kung sino po? Wala po, kahit na halimbawa po hindi kayo ang gumawa, wala pong nagche-check up? Kasi papaano po kung may naaksidente po d’yan, papaano po kung merong namatay d’yan, nabagsakan, naikutan ng bakal, ‘yon lang po ang concern ko,” ayon kay Padilla.

“Nando-doon din po ‘yong municipal engineers nila and I agree with the good Senator that we need to investigate actually what has happened here, I think, I hope that this is just an isolated case kasi marami naman po kaming ginawa, ginagawa ng DPWH that has withstand actually ‘yong effect of ‘yong mga malalakas na bagyo na nakaraan,” aniya. Ernie Reyes