DPWH inatasang suriin ang mga gusaling niyanig ng M7 na lindol

DPWH inatasang suriin ang mga gusaling niyanig ng M7 na lindol

August 1, 2022 @ 11:13 AM 2 weeks ago


IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na iprayoridad ang agarang assessment sa mga eskuwelahan at ospital kasunod ng magnitude 7 na paglindol na yumanig sa Abra at kalapit-lalawigan sa Northern Luzon, araw ng Miyerkules.

Sinabi ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na inatasan ng Pangulo ang departamento na inspeksyunin ang mga eskuwelahan at mga ospital para sa anumang pinsala dahil sa malakas na paglindol na maaaring maglagay sa panganib sa mga estudyante, guro at mga pasyente at healthcare workers.

“Pina-pa-assess ni Presidente yung other public buildings including school buildings, hospitals. Together with local government units (LGUs) and Department of Education (DepEd) nakikipag tulungan kami sa assessment ng mga damages sa mga eskuwelahan lalo na malapit na ang pasukan,” ayon kay Bonoan.

Nakatakdang magbukas ang klase para sa taong 2022-2023 sa Agosto 22.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Bonoan na tanging dalawang ospital sa Abra ang ipinagbabawal sa publiko.

“Mayroong isa o dalawa na ni-restrict muna namin yung pagpasok ng mga tao sa loob dahil gusto namin magkaroon pa ng more extensive technical assessment. Pero yung iba naman nakikita namin wala naman masyadong damage sa mga hospitals,” ayon kay Bonoan.

Aniya, nakipag-ugnayan na ang DPWH sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa rehabilitation at restoration efforts ng historical sites at structures damaged ng malakas na paglindol.

Samantala, sinabi ni Bonoan na kasalukuyan ng nagsasagawa ng clearing operations ang DPWH Quick Response Teams at muling binuksan ang natitirang dalawang national roads na isinara dahil sa trapiko.

“As of 8 a.m., yung sa 21 national road sections, yung national primary at saka national secondary roads dito sa Cordillera at saka sa Region 1, dalawa na lang ang kinukumpuni namin. Eto yung Tagudin-Cervantes Road at dito sa magmula sa Ilocos Sur papunta ng Abra at saka dito naman sa Baguio-Bontoc Road,” aniya pa rin

“Ang timetable namin ngayon, siguro mamayang hapon madaanan na kahit na one lane yung mga kalsada na binanggit ko. All others nung kahapon pa cleared naman na yung mga kalsada natin,” dagdag na pahayag nito. Kris Jose