DPWH magkakasa ng road repair sa 3 lungsod sa NCR

DPWH magkakasa ng road repair sa 3 lungsod sa NCR

August 26, 2022 @ 6:33 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- May kabuuang 14 na seksyon ng kalsada sa tatlong lungsod sa Metro Manila ang nakatakdang ayusin simula alas 11 ng gabi ngayong Biyernes, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa isang advisory, ipinaalala ng DPWH na ang pagsasaayos ay magdudulot ng malaking pagkaantala sa mga biyahero sa long weekend,partikular sa mga lungsod ng Quezon, Makati at Pasig.

Ang lane reductions para sa road rehabilitation activities ay magpapatuloy sa sumsusunod na apat na segment sa kahabaan ng Epifanio de los Santos Avenue (Edsa) northbound: Santolan Metro Rail Transit (MRT) Station, bus lane; pagkatapos ng P. Tuazon flyover hanggang Aurora Tunnel, 3rd lane mula center island (fast lane); pagkatapos ng Aurora Boulevard hanggang New York Street, 3rd lane mula center island (intermittent section); at pagkatapos Kamuning Road at Kamias Road hanggang JAC Liner Bus Station, sa tabi ng center island sa Quezon City.

Ang mga apektadong linya sa kahabaan ng Edsa southbound ay nasa harap ng GMA Network Center, U-turn slot service road; Kamuning Road intersection, 3rd block service road; sa harap ng Kamuning Police Station 10, 2nd block service road; at mula Balingasa Creek hanggang Oliveros Footbridge, sa Quezon City.

Ang iba pang apektadong road sections sa QC ay ang Fairview Avenue southbound, mula Fleur de Lis Street hanggang Labayane Street, 1st lane mula center island; Cloverleaf northbound, mula Edsa to North Luzon Expressway (NLEX) segment, outer lane, at Roosevelt Avenue malapit sa kanto ng Edsa, outer lane.

Sa C-5, apektado rin ang service road sa harap ng Global Oil Gas Station sa Pasig City, road portion kanto ng CP Garcia Avenue pagkatapos ng intersection, 2nd block mula sa center island sa Quezon City.

Isasara rin ang southbound second lane sa Makati City para sa re-blocking.

Hinihikayat ang mga motorista na dumaan sa mga alternatibong ruta habang isinasagawa ang pagkukumpuni.

Ang lahat ng apektadong kalsada ay muling magbubukas sa ika-5 ng umaga sa Agosto 30. Jocelyn Tabangcura-Domenden