DQ SA ALBAY GOVERNOR; PABOR SA ILLEGAL QUARRYING?

DQ SA ALBAY GOVERNOR; PABOR SA ILLEGAL QUARRYING?

October 24, 2022 @ 5:28 PM 1 month ago


MARAMING namangha o nagtaka sa ginawang pag-disqualify ng Commission Election Second Division kay Albay Governor Noel Rosal.

Waring isinantabi ang napakataas na bilang ng mga boto na nakuha ni Rosal  na naitala sa 469,481 noong nakalipas na eleksyon.

Halos doble ito ng bilang ng boto na nakuha ng kanyang katunggali na si former governor Al Francis Bichara at walang puwang na iniwan para pagdudahan ang pagkapanalo.

Karaniwan na kwento ang bilihan ng boto o vote buying kapag dikit na dikit ang laban ng magkatunggaling kandidato. Pero sa kaso ni Rosal, kitang-kita na ang sobrang laki ng botong nakuha niya ay ebidensya nang umaapaw na suporta ng taumbayan sa Albay. 

Malinaw na hindi kailangang bumili ng boto ni Rosal at hindi kayang bilihin ng pera ang ganoong kalaking pagkapanalo sa buong Albay.

Pero bakit ganoon na lamang ang suporta ng taumbayan kay Rosal? 

Noong lumabas ang balita nang pagdiskuwalipika sa kanya ng isang division ng Comelec, pwedeng isipin na magsasawalang-kibo na lang ang mga mamamayan na bumoto sa kanya kung hindi totoo ang kanilang suporta. Pero lampas 25,000 ang taong sumalubong sa pagtawag ni Bishop Joel “Bong” Baylon ng Diocese of Legazpi City ng “DASAL PARA KAY ROSAL”.

Itong si Bishop Baylon ang nanawagan noon na imbestigahan ang quarrying sa Mayon Volcano na sinisi niya sa pag-agos ng lahar na ikinasira ng 300 bahay doon. Waring pag-uulit ng trahedya nong 2006 kung saan 1,400 katao ang namatay sa lahar flow.

Maraming yumaman nang husto sa quarrying sa Mayon Volcano pero ang naging kapalit naman ay buhay ng tao. Si Governor Rosal lamang ang tumayo at tumakbo para labanan ang nakamamatay na quarrying sa kanyang probinsya.

Kaya noong nahalal si Rosal bilang Governor, STOP QUARRYING ang naging kauna-unahang utos niya. Kaya hindi maiwasang isipin na baka ang nawalan ng delihensya sa quarrying ang sumuporta sa pagpapa-disquaify sa kanya.

Hindi masasabing nabibili ang desisyon ng COMELEC sa mga protesta at pagpapa-disqualify, pero hindi rin yata kapani-paniwala na tama ang tanggalin ang nahalal na gobernador ng Albay at hayaang manumbalik ang nakamamatay na quarrying sa Mayon.