Drayber ng nahulog na bus sa Bataan pinakawalan

Drayber ng nahulog na bus sa Bataan pinakawalan

November 6, 2022 @ 2:33 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinakawalan na sa detention ang driver ng bus sakay ang mga guro na nahulog sa bangin sa Bataan nitong Sabado, Nobyembre 5.

Ayon kay Orani, Bataan Police chief Police Major Larry Valencia nitong Linggo, nagkausap na ang pamilya ng nasawing guro na kinilalang si Janice Pontillas ng Payatas B Elementary School at ng driver ng bus.

Matatandaan na namalagi muna sa Orani Police Station ang naturang drayber para sa iba pang mga katanungan.

“Kahapon nandito ang representative ng DepEd Quezon City at ‘yung pamilya na kapatid ni ma’am Janice at nag-usap sila at in-inform ang PNP na hindi na muna sila magsasampa ng kaso at bagkus, pag-uwi sa Martes ng asawa ay pag-uusapan na lang ‘yung nangyaring aksidente,” pahayag ni Valencia sa panayam ng DZBB.

“Nag-decide ang asawa na i-release na lang muna ang driver. Nagusap sila through online at ipinaliwanag… regarding sa pangyayaring aksidente,” dagdag pa niya.

Matatandaang nahulog sa bangin ang isa sa mga bus na sinasakyan ng 48 mga guro mula Quezon City sa isang malalim na bangin sa Orani, Bataan.

“Nagkaroon ng mechanical failure. Nawalan ng preno ‘yung sinasakyan nilang bus kung kaya’t nawalan ng kontrol ang driver at nahulog po ito sa bangin,” ani Valencia.

“Nagkataon lang siguro talaga na nawalan ng preno ‘yung bus sa area na ‘yun,” dagdag pa niya.

Siniguro naman ng Quezon City government at ng SDO na sasagutin ang lahat ng pagpapagamot ng mga nasaktang guro. RNT/JGC