Drayber ng SUV na umararo sa 12 sasakyan sa Mandaluyong aalisan ng lisensya

Drayber ng SUV na umararo sa 12 sasakyan sa Mandaluyong aalisan ng lisensya

January 30, 2023 @ 7:06 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inirekomenda
na ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng Land Transportation Office (LTO) na matanggalan ng lisensya ang drayber ng SUV na umararo ng 12 sasakyan at ikinasugat ng 13 indibidwal sa Mandaluyong City nuong Enero 10.

Nabatid mula kay LTO-IID officer-in-charge Renan Melitante na nagbigay na ng judicial affidavit si Dominador Braga, 54-anyos, at kanyang inamin na siya ang nagmamaneho ng SUV nang mangyari ang nasabing aksidente.

“Tinapos na namin ang imbestigasyon at maglalabas ang LTO ng desisyon base sa mga hawak na ebidensya bukod pa sa pag-amin na rin ng drayber,” pahayag ni Melitante.

Si Braga ay kasalukuyang nakapiit sa Mandaluyong City Police Custodial Center matapos mangyari ang insidente at ang kanyang abogado na si Paul Nicodemes Roldan ang nagsilbing kinatawan nito sa pagdinig sa LTO ngayong araw (Enero 30).

Sakaling bawian na at muling naisin ni Braga na kumuha ng lisensya ay daraan na ito sa mahigpit na proseso bago maaprubahan.

Nauna nang sinuspindi ng LTO ng 90-araw ang lisensya ng dalawang drayber na sakay ng SUV kasunod ng aksidente.

Sinabi pa ni Melitante na sakaling tuluyang mapanagot sa kasong Reckless Driving ang drayber ng SUV, mananagot din ng katulad na parusa ang may-ari ng sasakyan. Jan Sinocruz