Drilon: Reporma sa justice system, rule of law bokya sa SONA ni PBBM

Drilon: Reporma sa justice system, rule of law bokya sa SONA ni PBBM

July 26, 2022 @ 1:27 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Ipinaalala ni dating Senate President at justice secretary Franklin Drilon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi dapat maisantabi ang mga lumalalang isyung bumabalot sa justice system at rule of law.

Sa pahayag, sinabi ni Drilon na kanyang napuna sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Marcos na walang binanggit hinggil sa reporma sa sistema ng katarungan at pagpapatupad ng rule of law.

“I wished the President tackled the state of our justice system and the rule of law in his first State of the Nation Address. He tackled everything from COVID-19 to our failing education system to our economic recovery. However, one critical ingredient is missing: the rule of law,” ayon sa dating justice secretary.

“Wala akong narinig na reporma sa ating justice system. That is something I must assert na pagkukulang sa naging SONA ng Pangulo,” giit ni Drilon sa radio interview.

“I hope these issues concerning our justice system and the rule of law do not get swept under the rug,” aniya.

Ilan ditto ang di nalulutas na krimen, red-tagging, extra-judicial killings na minana ng administrasyong Marcos mula sa dating pamunuan.

“Huwag nating kalimutan na binabatikos ang dating Duterte administration dahilan sa hindi nasusunod ang rule of law. Ang rule of law ay importante para magkarooon ng stability ang ating sambayanan,” giit ni Drilon.

“Tayo po ay nasampahan ng kaso sa International Criminal Court dahilan sa hindi maayos na sistema ng ating hustisya kaya gusto kong makarinig ng reforms para maisaayos ang sistema ng ating hustisya,” dagdag niya.

Hiniling ni Drilon sa Marcos administration na talakayin ang kahinaan ng rule of law ng bansa dahil kritikal iot upang mapanumbalik ang pagtitiwala ng taumbayan at imbestor sa justice system at rule of law ng bansa.

“Nakakalungkot dahilan ang tiwala sa demokrasya ay nakasalalay sa tiwala ng taumbayan sa ating hustisya. Hinihimok ko ang administrasyon, it’s not too late to come up with programs that can restore the people’s confidence in the justice system and the rule of law,” ani Drilon.

Iginiit niya na kritikal ang rule of law sa pagsusulong at pagpapalakas ng demokrasya. Pero sa kasamaang palad, nailantad sa war on drugs ng nakaraang administrasyon ang kahinaan ng justice system at rule of law.

Binanggit din ni Drilon na isa sa pinakamahina ang rule of law sa Pilipinas sa East Asia at Pacific region na umabot sa 102nd mula sa 139 bansa sa Rule of Law Index nitong 2021 ng World Justice Project.

Iginiit din ng dating senador na naalarma ang ilang internatiaonl human rights groups sa lumalalang human rights situation sa bansa. Ernie Reyes