Drilon sa Kongreso: P9.3B secret, intel funds ni PBBM busisiin

Drilon sa Kongreso: P9.3B secret, intel funds ni PBBM busisiin

November 11, 2022 @ 5:50 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Hinimok ni dating Senate President Franklin Drilon ang Kongreso na busisiing mabuti ang P9.3 bilyon na confidential at intelligence funds (CIFs) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“I urge Congress to look at this very carefully. The basic rule is transparency. Hence, each agency should justify why it has to unfollow this rule through the use of the CIFs,” pahayag ni Drilon nitong Huwebes, Nobyembre 10 sa panayam ng TeleRadyo.

Sumakto ang panawagang ito ng dating senador sa pagkakaapruba ng P4.5-billion na CIFs ng Office of the President.

Ang natitirang CIFs ay mapupunta sa iba pang ahensya ng pamahalaan tulad ng Office of the Vice President at Department of Education.

Ani Drilon, hindi nausisang mabuti ng Commission on Audit ang CIF dahil ang liquidation of funds nito ay napupunta sa closed envelope system.

Dahil dito ay hindi nalalaman ng publiko kung saan ginagamit ang pondo.

Nangamba tuloy si Drilon na baka ito na ang magiging kaugalian sa mga susunod na taon.

“Tinitingnan ko itong kasaysayan ng intelligence fund, kapag nagkaroon ka ng intelligence fund sa taong ito, ang sasabihin mo sa susunod na taon na kailangan mo ulit iyan,” ani Drilon.

Aniya, ang mga ahensya tulad ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at ang National Intelligence Coordinating Agency ay mayroon na ng kakayanan sa intelligence gathering kung kaya’t ito ang mas nararapat na magkaroon ng CIFs.

“Huwag naman nating pabayaan. Kung hindi mo papansinin ito, lalong lalaki iyan. Ganyan ang ating experience in my 24 years in the Senate. Tungkulin ng Kongreso na i-examine ang budget at ilagay ito sa tama,” aniya. RNT/JGC