Drive-thru vaccination caravan ikakasa sa Quirino Grandstand

Drive-thru vaccination caravan ikakasa sa Quirino Grandstand

January 12, 2022 @ 12:19 PM 7 months ago


MANILA, Philippines – Sisimulan na bukas ang drive-thru “vaccination caravan” ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila na gaganapin sa Quirino Grandstand.

Nagsagawa ng pag-iinspeksyon ngayong araw sina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan sa drive-thru vaccination site sa Quirino Grandstand para sa preparasyon ng magaganap na vaccination caravan bukas kung saan hindi na lamang para sa first dose at second dose ito kundi gagamitin na rin ito bilang booster vaccination site.

Ayon kay Domagoso, magsisimula ang bakunahan alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon na kung saan maaaring pumila dito ang mga sasakyan na may apat na gulong (4 wheels) tulad ng dyip, taxi, pribado man o korporasyon.

Aniya, first come first served ang ipatutupad sa nasabing caravan dahil 300 sasakyan lamang ang maaring i-accomodate sa isang araw dahil first time pa lamang aniya itong gagawin sa drive-thru.

Bibigyan naman ng numero ang mga sasakyan na pipila na sa apat na lane na bubuksan upang mabilis ang bakunahan habang patuloy ang ginagawang drive-thru testing ng swab o RT-PCR.

Hinikayat naman Domagoso ang mga pipilang sasakyan na maaring magsabay ng kapamilya o katrabaho ng hanggang limang indibidwal.

Kailangan lamang dalhin ang vaccination cards ito man ay galing sa anumang syudad o probinsya.

Tatanggapin din at kikilalanin ang mga vaccination cards na digital o physical cards para mabakunahan ng booster shots.

“Basta ang importante ma-booster muna ang tao para maiwasan ang kamatayan sa impeksyon ng COVID-19,” giit ni Domagoso na siyang standard bearer ng Aksyon Demokratiko.

Binigyan diin nito na ang pagbabakuna at booster lamang ang tanging paraan upang maproteksyunan ang sarili at pamilya laban sa nakamamatay na sakit na COVID-19. JAY Reyes