Driver, binaril at napatay ng pulis na kanyang operator sa Parañaque

Driver, binaril at napatay ng pulis na kanyang operator sa Parañaque

June 16, 2018 @ 7:57 PM 4 years ago


Parañaque City – Patay ang isang driver ng TNVS nang barilin ng isang pulis na operator nito dahil sa hindi pagbibigay ng boundary samantalang tatlo naman ang sugatan nang masagasaan naman ng minamanehong sasakyan ng biktima kamakalawa ng gabi.

Namatay habang ginagamot sa San Juan De Dios Hospital sanhi ng mga tama ng bala sa ulo at katawan ang biktima na kinilalang si Roderick Paulino, tinatayang nasa 40 hanggang 45-anyos.

Dinala din sa naanggit na ospital ang tatlo pang biktima na sina Joan Casilao; Ian Rence Marvida at Mary Lingay, na nasagaan ng biktima sa umano’y kanyang pagtakas.

Kinilala ng Parañaque City police ang suspect na boluntaryo namang sumuko sa kanyang mga kabaro na si PO2 Aivan Shierri, 31, nakatalaga sa Police Community Precint (PCP) 5 ng Pasay City police.

Base sa report ng Paranaque City Police, nangyari ang insidente ng pamamaril dakong alas-7:20 kamakalawa ng gabi sa harapan ng Max’s Restaurant na matatagpuan sa service Road malapit sa Redemptorist Road, Roxas Boulevard, Parañaque City.

Sa pahayag ng suspek sa pulisya, si Paulino ay ang naglalabas ng kanyang sasakyan (Avanza) ngunit simula noong Hunyo 8 ay hindi na ito nagpakita sa kanya at hindi na rin nagbibigay ito ng boundary pati ang kanyang sasakyan tinangay na din ni Paulino.

Bilang pulis ay nagsagawa siya nang sariling hakbang upang hanapin ang biktima upang makausap ito at mabawi ang kanyang sasakyan at sa kabutihang palad ay namataan niya ang kanyang sasakyan kamakalawa ng gabi na gamit ni Paulino sa naturang lugar.

Sa di-umano’y takot ng biktima ay mabilis nitong pinatatakbo ang naturang sasakyan upang tumakas ngunit sa pagmamadali nito ay nasagasaan niya ang tatlong biktima na naging dahilan upang paputukan siya ng suspect na tinamaan sa ulo at ibat-ibang bahagi ng katawan.

Mabilis na naitakbo ang bitkima sa ospital ngunit hindi rin nagtagal ay binawian na din ito ng buhay.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa naturang insidente. (James I. Catapusan)