Driver ng ambulansya patay sa bangga

Driver ng ambulansya patay sa bangga

August 20, 2022 @ 10:15 AM 2 months ago


CAIBIRAN, Biliran- Patay ang isang driver ng ambulansya matapos araruhin ang mga nakaparadang motorsiklo makaraang mawalan ito ng malay habang nagmamaneho noong Huwebes sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Roderick Cesora, 56-anyos, residente sa Jade Crown, Brgy. Cabibihan, Caibiran, Biliran.

Habang sugatan naman ang isang driver ng motorsiklo na kinilalang si Tyron James Ralar, nasa hustong gulang at residente sa lungsod sa Naval.

Batay sa report ng Naval Municipal Police Station, bandang alas-6 ng hapon naganap ang insidente sa Sitio Lupa, Brgy. Calumpang, Naval, Biliran.

Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ng biktima ang ambulansya ng lokal na pamahalaan ng Caibiran at magsusundo sana ito ng pasyente.

Pagsapit sa nasabing lugar bigla na lamang umanong nawalan ng malay ang biktima hanggang sa lumihis ang sasakyan ay inararo ang mga nakaparadang motorsiklo.

Dinala naman sa ospital ang biktima subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor.

Paniniwala ng mga awtoridad posibleng sinumpong ng kanyang sakit ang biktima na naging sanhi ng kanyang kamatayan. Mary Anne Sapico