Driver ng RHU, pinagbabaril patay

Driver ng RHU, pinagbabaril patay

December 24, 2022 @ 4:28 PM 1 month ago


NUEVA VIZCAYA- Hindi na umabot pa sa araw ng Pasko ang isang driver ng lokal na pamahalaan ng Nueva Vizcaya matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang gunman kahapon, Disyembre 23 sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Diosdado Galicia, 40-anyos, driver ng Rural Health Unit (RHU) Alfonso Castañeda at residente ng naturang lugar.

Batay sa report ng Nueva Vizcaya-PNP, naganap ang krimen sa harap ng tindahan sa Lublub, Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nakatayo lamang ang biktima sa tapat ng tindahan ng dumating ang mga suspek sakay ng motorsiklo.

Bumaba ang gunman na may bitbit na baril at nilapitan ang biktima saka pinagbabaril sa iba’t ibang parte ng katawan.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa Pantabangan, Nueva Ecija.

Isinugod naman sa ospital ang biktima subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga.

Sa pagresponde ng mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng krimen nakapulot sila ng dalawang basyo ng bala ng Cal. 45 na baril.

Inaalam na ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek para sa agaran ikadarakip sa mga ito. Mary Anne Sapico