Driver ni PBA player Kramer, suma-sideline bilang holdaper, arestado

Driver ni PBA player Kramer, suma-sideline bilang holdaper, arestado

July 31, 2018 @ 6:44 PM 5 years ago


 

Quezon City – Kalaboso ang isang lalaki na umano’y taxi driver pala ng PBA player na si Douglas Kramer matapos arestuhin ng mga pulis dahil umano sa pagnanakaw at panloloob sa bahay ng isang negosyante sa Quezon City kamakalawa.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director,P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr. ang naarestong suspek na sina Eddie Valliente, 48, umano’y taxi driver ni Kramer at ang kanyang kasamahan na si Ronald Calderon, 47.

Ang mga suspek ay naaresto sa isinagawang follow-up operation ng Masambong Police Station (PS 2) sa ilalim ng pamumuno ni P/Supt. Rodrigo Soriano, dakong alas-5:00 ng hapon sa kanilang tahanan sa  Bagong Ilog, Pasig City.

Nag-ugat ang pag-aresto sa mga suspek nang ireklamo sila ng pagnanakaw ng negosyanteng si Misella Maling, 44, matapos umanong looban ang tahanan nito sa Calumpit St. kanto ng Bansalangin St. Brgy.Veterans Village, Project 7 dakong alas-12:30 ng tanghali noong Hulyo 29, 2018.

Sinabi sa ulat na pumasok umano ang mga suspek, kasama ang tatlong iba pang lalaki, sa tahanan ng biktima, at tinangay ang mahahalagang gamit doon, tulad ng cellphone at isang 32” na LED television, saka tumakas sakay ng isang Toyota Vios taxi na may body marking na Reymark Taxi at may plakang WQL-392.

Nang tingnan ng pulisya ang footage ng CCTV camera sa lugar ay nakuha nila ang plate number ng naturang taxi at natunton na nakapangalan kay Kramer.

Agad na nakipag-ugnayan kay Kramer ang pulisya at dito natukoy ang pagkakakilanlan ni Valliente na siyang nagmamaneho ng naturang taxi.

Sa tulong ni Kramer ay natunton ng pulisya ang kinaroroonan ni Valliente, na nagresulta sa pagkadakip dito, at kasama nito.

Narekober mula sa mga suspek ang Toyota Vios taxi na ginamit nila sa krimen, isang kalibre .38 revolver na may tatlong bala, gayundin ang isang cellular phone, isang 32” LED TV at isang laptop bag. (Santi Celario)