Driver, pasahero ng government vehicle todas sa tandem sa Bulacan

Driver, pasahero ng government vehicle todas sa tandem sa Bulacan

December 14, 2021 @ 5:37 PM 9 months ago


Bulacan-Dead on the spot ang dalawang lalaking lulan ng government vehicle matapos pagbabarilin ng riding in pick up tandem sa San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ang dalawang nasawi na sina Allan Rebuijo, 46, residente ng Brgy. Muzon at Rodolfo Capulong, 47, ng Brgy. Guijo habang ang suspek ay dalawang hindi nakilalang kalalakihan.

Sa ulat ng pulisya, nangyari ang pamamaril bandang alas-3:50 ng hapon nitong Lunes, sa Benjamin 2, Brgy.Graceville.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, naghatid lamang ng litsong baboy ang dalawang biktima sa birthday party sa lugar lulan ng Toyota Innova na may pulang plakang SJN 168.

Nang biglang bumaba sa isang Toyota pick up ang dalawang suspek at walang kaabog na pinagbabaril ang mga ito sa loob ng sasakyan.

Dahil dito, nawalan ng kontrol ang driver kaya aksidenteng bumangga ang kanilang sasakyan sa isang bahay sa gawing kanan.

Agad na nasawi ang driver at ang pasahero dahil sa dami ng tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan ng mga ito.

Mabilis na tumakas ang mga suspek lulan ng pick up sa direksyon ng Brgy. Tungkong Mangga at posibleng lumusot sa Brgy. Malaria, Caloocan City.

Patuloy ang pagsusuri sa mga CCTV sa lugar ng pulisya at masusing iniimbestigahan ang naturang insidente. Dick Mirasol III